ibonreads

Pangulong Aquino, dapat nang aksyunan ang pagtaas ng presyo ng langis

In Uncategorized on March 28, 2012 at 9:12 am

Image

Pahayag ng pagkakaisa ng Coalition Against Oil Price Increases (CAOPI)

Kami, ang mga nakalagda, ay nababahala at galit sa kawalang-aksyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Nananawagan kami na agad nang kumilos ang gubyerno upang matigil ang di-makatwirang pagtaas ng presyo ng langis, ibaba ang presyo ng mga produktong petrolyo, at kontrolin ang presyo ng langis.

Tuwirang apektado ang kabuhayan ng maraming pamilya ng labis na pagtaas ng presyo ng langis – mula sa mga tsuper ng dyip hanggang sa maliliit na negosyo. Nararamdaman na rin ito sa pagtaas ng pasahe at presyo ng mga karaniwang bilihin gaya ng pagkain at iba pa. Tiyak na patitindihin ng mataas na presyo ng langis ang malala nang kahirapan sa bansa. Malala pa, patuloy ang mga alegasyon ng overpricing at pamamayagpag ng mga kartel, na nagpapatampok sa malubhang depekto ng Oil Deregulation Law.

Sa halip na maagap na tumugon sa problema, mas pinili ng administrasyong Aquino na manindigang wala nang magagawa. Muli, naririnig nating labas sa kontrol ng gubyerno ang presyo ng langis at ang problema ay hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Hindi natin tinatanggap ang palusot na walang magagawa ang gubyerno. Hindi man nito makontrol ang presyo ng langis sa daigdig, kaya ng administrasyong Aquino na tiyakin ang mas murang presyo. May mga kongkretong hakbang na maaaring gawin:

Una, magpataw ng moratoryum sa mga dagdag pang pagtaas ng presyo ng langis. Kaya itong gawin ng Pangulo dahil sa pambihirang sitwasyon na inaatake ng mataas na presyo ng langis ang pampubliko at pambansang interes. Pangalawa, agad na ibaba ang presyo ng langis sa pamamagitan ng pagtanggal, pagsuspinde o pagbawas sa regresibong 12% value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo. At pangatlo, kontrolin ang lokal na presyo sa pamamagitan ng pagbasura sa mapang-aping Oil Deregulation Law.

Tiyak na mapapadali ang proseso kung ipaprayoridad ng Pangulo, na may malawak na impluwensya’t kapangyarihan, ang presyo langis. Marami nang panukala ang naisampa sa Kongreso ng mga mambabatas mula sa iba’t ibang partido pulitikal para amyendahan o tuluyang alisin ang VAT sa langis pati ang Oil Deregulation Law.

Ang kailangan lamang ay matatag na paninidigang ipagtanggol ang interes ng mga ordinaryong konsyumer at ng lokal na ekonomya upang maipatupad ang mga napakahalagang reporma. Nananawagan kami kay Pangulong Aquino at sa pamunuan ng House of Representatives (HoR) at ng Senado na agad na umaksyon sa mga nakabinbing panukala na solusyunan ang isyu ng mataas at sumisirit na presyo ng langis.

Dapat nang kumilos ngayon ang Pangulo, at siya at ang buong gubyerno’y patuloy na kakalampagin ng mamamayan hanggang harapin nila ang matinding problema ng napakataas na presyo ng langis.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: