ibonreads

Isang dekada ng EPIRA: sampung taon ng pagtindi ng private power monopoly

In Filipino, IBON Features on June 28, 2011 at 6:51 am

Nilayon ng Republic Act (RA) 9136 o Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ng 2001 na magkaroon ng liberalisado at nakabatay-sa-palengkeng power industry dahil magdudulot diumano ito ng de-kalidad, maaasahan, estable at abot-kayang suplay ng kuryente para sa publiko. Nakasaad sa kumprehensibong plano ng EPIRA para sa power sector ang pagrestruktura at pribatisasyon ng power generation, transmission at distribution sa bansa. Sa madaling salita, ibinalangkas ng EPIRA  kung papaano iaasa ang  mga pangangailangan ng bansa sa kuryente pangunahin sa nagkakamal-ng-tubong pribadong sektor, kabilang ang mga dayuhang mamumuhunan. .

Gayun, ang power sector ay natural na monopolyo na nagbibigay ng esensyal na serbisyo subalit may substansyal na pinansyal, pang-ekonomiya at teknolohikal na rekisitos. Sa kontekstong ito, ang nagawa lang ng EPIRA ay ibayo pang itulak ang power industry sa monopolisasyon patungo sa mga pribadong kamay kung saan ang mga kasaling higanteng negosyo sa enerhiya ay nagkakamal na ng dambuhalang tubo sa kapansilaan ng publiko at pambansang pag-unlad.

Naisapribado na ang bulto ng generation facilities at contracted capacities ng bansa.  Ang transmission sector ay nasa pribadong kamay na at ang distribution sector na naliberalisa na bago pa ang EPIRA ay nananatiling dominado ng kakaunting private distribution utilities. Ang dagdag na kontrol ng mga dayuhan at lokal na kumpanya sa industriya nitong nakaraang dekada ay nagpataas lamang sa pribadong tubo sa power kasabay ng mas mahal na kuryente para sa mamamayang Pilipino.

Ang mga generating plant at contracted capacities ng National Power Corporation (NPC) kasama ang independent power producers (IPPs) ay naibenta na sa mga grupong San Miguel, Aboitiz at Lopez. Halimbawa, akontrolado na ng grupong San Miguel ang 76% ng 3,346 megawatts (MW) rated capacity ng naisapribadong kontrata ng NPC-IPP noong 2009 at 2010, maliban pa sa 620 MW ng generation plants. Ang grupong Aboitiz ay nakabili ng 36% ng 4,103 MW rated capacity ng mga naisapribadong generating/ operating plants. Ang grupong Lopez naman ay nakakopo ng 14% ng isinapribadong mga planta. Ang power industry mula generation, transmission, distribusyon hanggang supply ay halos buung-buo nang kontrolado ng pribadong sektor.

Ang public-private partnership (PPP) infrastructure database ng World Bank ay nagpapakita na ang Aboitiz Group ang pinakapangunahing benepisyaryo ng pribatisasyon, kasunod ang Lopez Group, DMCI, Suritomo at J-Power. Sa ilalim pa lang ng EPIRA ay nagkaroon na ng 42 PPP proyektong power sa Pilipinas.

Ang kumpanya o kaugnay na grupo ay maaaring magmay-ari ng hanggang 30% ng installed generating capacity at 25% ng national installed generating capacity. Maaari rin itong mag-may-ari ng distribution utilities (DUs). Ang restriksyon sa cross-ownership ay nag-aaplay lamang sa pagmamay-ari ng generation at transmission. Samantala, ang DUs ay nakakasaklaw sa buong palengke sa kanilang franchise area (residential at general service users). Sa huli, nabibigo nito ang pagmamalaki ng EPIRA na ang mga konsyumer ay makapipili kung aling utility ang makapagbibigay ng pinakamurang kuryente.

Pribadong monopolyo: Generation, transmission at distribusyon

Bago ang pribatisasyon, kontrolado ng NPC ang may 90% ng generating capacity ng bansa. Pagkalipas ng isang dekada ng EPIRA, ang power industry ay dominado ng iilang kumpanya lang at pamilya — na karamihan ay pinaniniwalaang malalapit na alyado sa negosyo ng mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon.

Ang generating capacity sa bansa ay nasa kamay ng may pito hanggang walong mayor na negosyo. Ang konsentrasyon ay partikular sa pinakamalalaking tatlong kumpanya. Ang San Miguel Power Corporation (SMPC) na pagmamay-ari ni Cojuangco ang may pinakamalaking generating capacity pagkalipas lang ng dalawang taon sa power business. Ang grupong Lopez, katambal ang dayuhang kumpanyang BGL, ay sinusundan ng grupong Aboitiz, na katambal ang SN Power AS (Norway) at Pacific Hydro Limited (Australia) bilang partner.

Minandato rin ng EPIRA ang paglikha ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) na dapat ay lilikha ng kumpetitibong palengke ng kuryente. Subalit habang may 30 rehistradong pangkat mula sa 23 generating company sa Luzon halimbawa, ang anim na pinakamalalaking generator lamang sa usapin ng rehistradong MW ang sumasakop sa 61% ng pangkalahatang rehistradong 11,652 MW. Ang konsentrasyong ito ay lumilikha ng kundisyon para sa manipulasyon ng presyo ala-kartel sa dapat ay ‘kumpetitibong’ palengke, kung saan ang mataas na presyo na malayo sa tunay na presyo ng generation ay, sa bandang huli, ipinapasa sa mga konsyumer.

Nagkaroon na ng mga akusasyon ng pagmaniobra sa presyo ng mga operator ng WESM. Ang NPC at mga IPP nito ay inakusahang nagpapataas ng presyo nang sila ang umupong mga myembro ng WESM. Sa isang trading cycle ng Agosto hanggang Setyembre, ang NPC at PSALM ay sinabing nagkutsabahan para manipulahin ang mga presyo sa WESM – ang karaniwang presyo ay nag-umpisa sa Php2.72/kWh subalit sumirit sa Php4.853/kWh at umabot pa sa Php6.88. Ang paraan ng WESM sa pagtakda ng presyo ay inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) subalit kinwestyon din ito dahil nagtakda ito ng presyo ayon sa pinakamataas na tender price ng mga kumpanya sa generation.

Samantala, ang transmission sector na pinatatakbo ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) – isang consortium ng State Grid Corp. of China at One Taipan Holdings ni Henry Sy, Jr., ay nabili ng Monte Oro Resources ni Enrique Razon.

Ang mga pribadong utility sa distribusyon (PDU) ay ang may pinakamalaking share sa palengke sa lahat ng DUs na may interes sa negosyo sa generation at naroon din sa distribusyon. Ang tatlong pinakamalalaking PDU sa usapin ng bilang ng kostumer at benta sa gigawatt-hours ay Meralco (San Miguel, Lopez, Pangilinan), sinusundan ng Visayan Electric Company (VECO) at Davao Light and Power Company (parehong pag-aari ng Aboitiz).

Meralco ang pinakamalaking PDU sa bansa na nakasasaklaw ng may 25 milyong Pilipino sa 29 lungsod at 82 munisipalidad sa Luzon. Ang VECO ay may-ari ng franchise ng Metropolitan Cebu, pati Consolacion, Liloan, Talisay, Minglanilla, Naga at San Fernando. Ang mga Aboitiz ay nagmamay-ari ng iba pang PDU gaya ng San Fernando Light and Power Corp, Cotobato Light and Power, Subic Enerzone at iba pa; ang mga Lopez ay may Panay Electric Company.

Binili ng Meralco ang kalahati ng suplays nito sa power noong 2008 at 2009 sa pamamagitan ng mga bilateral na kontrata sa IPPs at 48% lamang sa WESM. Sa panahong ito, ang pangkaraniwang singil ng NPC ay nasa Php3.98 na mas mababa kaysa Php4.85 presyo ng IPPs ng mga Lopez. Noong Oktubre 2008, halimbawa, ang singil ng NPC ay Php3.70 lamang samantalang prinesyuhan ng First Gas ang enerhiya nito mula sa mga planta ng Sta. Rita at San Lorenzo sa mas mataas na Php6.31 at Php6.61.

Tubo sa power sector

Patuloy na tumatatas ang tubo sa negosyo sa power sector nitong nakaraang dekada. Ang pinakamataas na 25 kumikitang korporasyon sa generation, koleksyon at distribusyon ng kuryente ay nagtamasa ng sampung-beses na paglobo sa kanilang tubo mula 2001-2009 kahit medyo bumaba ang kanilang tubo noong 2003, 2007 at 2008. Ang dambuhalang tubo sa negosyong ito ay pinipiga sa kanilang mga kostumer.

Halimbawa noong 2009, ang Php183.7 bilyon na pangkabuuang kita ay naglagay sa Meralco sa pwesto bilang pinakamalaking korporasyon sa usapin ng kita (na ang netong kita ng Php5.6 bilyon ay higit pa sa doble ng Php2.1 bilyong kita nito noong 2008). Ang Meralco ang may pinakamataas na abereyds na epektibong singil sa mga sambahayan sa lahat ng PDUs sa Php10.67/ kWh at pangalawang pinakamataas ang commercial rate sa Php9.05/ kWh. Naging kontrobersyal din ang Meralco sa pag-overcharge nito nang tiwaling nagpasa ito sa mga kostumer ng gastos sa operasyon na nagkakahalaga ng Php3.5 bilyon noong 2004 at Php2.9 bilyon noong 2007. Tiwali rin nitong pinalaki ang halaga ng pag-aari at kagamitang may halagang Php3.7 bilyon noong 2004 nang Php3.6 bilyon noong 2007. Bahagi ito ng rate base nito kahit na walang kinalaman sa distribusyon ng kuryente para lamang mapangatwiranan ang pagtaas sa singil sa distribusyon. Ang tantsa ng pangkalahatang refund na utang ng Meralco sa mga kostumer nito dahil sa overcharging mula 2003 ay pumapalo mula Php14 bilyon hanggang Php34 bilyon. Kahit ang VECO ay tinataya ding nag-overcharge sa mga kostumer nang Php4.4 bilyon sa panahong 2004-2008.

Monopolyong pasanin

Ang modernong aktibidad ng ekonomiya ay power-intensive at ang pag-unlad ay sadyang mangangailangan ng mas mataas na antas ng suplay sa kuryente sa rasonableng presyo. Subalit malinaw na hindi ito naihatid ng EPIRA. Naiulat nang ang Pilipinas ang may pinakamataas na singil sa buong Asya. Sa panahong 2004-2010, ang abereyds na taunang paglago sa total generation capacity ng 3.6% ay signipikanteng naungusan ng abereyds na taunang paglago sa gross domestic product (GDP) na 5.2% (habang may ilang oras ng rotating brown-out sa bansa noong 2010). Ang tumataas na singil sa kuryente sa nakaraang dekada ng EPIRA ay partikular na suliranin lalo para sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa.

Lahat ito ay nagpapakitang ang isang industriyang napakahalaga sa ekonomiya tulad ng enerhiya ay di dapat ipaubaya sa mga pribadong negosyo. Sa halip na mga batas tulad ng EPIRA, ang dapat na paunlarin ay sektor ng enerhiya na suportado ng gubyerno upang maisakatuparan ang pangako nitong sapat, abot-kaya at estableng elektrisidad para sa mga Pilipino.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: