ibonreads

EPIRA: Bigong pangako ng abot-kayang kuryente

In Filipino, IBON Features on June 28, 2011 at 6:47 am

EPIRA: Bigong pangako ng abot-kayang kuryente

Ngayong araw ang ika-sampung taon ng EPIRA, ang batas na nilikha sa pagpapalagay na ang pagsasapribado ng power sector at pagpapagana sa mga pwersa ng “free market” ay magtutulak sa mga kumpanya na magpaligsahan sa pagpapababa ng presyo ng kuryente.

(Una sa dalawang-bahaging serye sa ika-10 taon ng EPIRA)

Lathalaing IBON – Sampung taon matapos ipasa ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA), nangunguna ang Pilipinas sa lahat ng bansa sa Asya dahil sa pinakamataas na singil sa kuryente sa mga konsyumer na maybahay. Patunay ito na hindi nagresulta sa abot-kayang kuryente nitong nagdaang dekada ang EPIRA. Higit pa, ang pribatisasyon ng power kabilang yaong sa ilalim ng EPIRA ay nagresulta rin lamang sa pagkonsentra ng sektor sa kontrol ng mga pribadong monopolyong interes.

Ipinasa ang EPIRA noong 2001 sa gitna ng mga protesta mula sa iba’t ibang sektor laban sa pagsapribado ng power sector. Ang kumprehensibong power plan ng EPIRA ay nangangatwirang ang pribatisasyon ng generation, transmission at distribution ng power ay susi sa pagkakaroon ng de-kalidad, maaasahan, estable at abot-kayang suplay ng kuryente.

Nilikha ang batas sa paniwalang ang pagsapribado ng bawat bahagi ng power sector at pagpagana sa diumano’y ‘free market’ ay magtutulak sa mga kumpanya na magpababaan ng singil sa kuryente. Subalit ayon sa isang ulat ng Department of Energy, ang singil sa kuryente sa residential customers sa Pilipinas ay umabot na sa US$ 0.18 kada kilowatt hour (kWh). Higit ito sa doble ng katumbas noong 2001 (US$ 0.08 cents). Mas mataas pa ito sa  singil sa kuryente sa mga residential customer sa Japan na US$ 0.17/kWh at US$ 0.15 sa Singapore. Mataas rin ang commercial rates sa US$0.13 samantalang US$ 0.14/ kWh ito sa Singapore at US$ 0.12 sa Japan.

Ipinunto rin ng Joint Foreign Chambers of Commerce na ang mga residential customer sa Thailand, South Korea at Indonesia ay nagbabayad ng katumbas lamang ng generation charge na ibinabayad ng mga Pilipino.

Tumaas  ng 119% ang karaniwang residential rates ng MERALCO ay mula P4.87/ kWh noong 2000 bago ang EPIRA sa P10.67/ kWh ngayon. Ang MERALCO ang pinakamalaking public distribution utility (PDU) sa bansa at sumisingil ito ng pinakamataas na karaniwang epektibong residential rate at pangalawang pinakamataas na commercial rate sa Php9.05/kWh.

Ang Visayan Electric Company (VECO), ang pangalawang pinakamalaking PDU, ay sumisingil ng pinakamababang industrial rates subalit relatibong mataas na residential rates. Ang VECO ay pag-aari ng mga Aboitiz na ang mga negosyo ay matatagpuan sa franchise area ng VECO. Ang singil sa kuryente sa Mindanao ay tumaas na rin sa ilalim ng pangatlong pinakamataas na PDU, Davao Light and Power Corp., na pag-aari rin ng mga Aboitiz.

Mga singiling pabigat

Tumaas ang presyo ng kuryente sa ilalim ng EPIRA dahil sa napakaraming mapagsamantalang singilin.  Kabilang rito ang mga pabigat na probisyon mula sa mga kaduda-dudang kontrata sa mga Independent Power Producers (IPPs), gayundin ng mga panibagong singilin na nagtitiyak ng tubo para sa mga monopolyo sa kuryente. Halimbawa dito ang kontrobersyal na Power Purchasing Agreement (PPA) na nagbabayad sa IPPs para sa kuryenteng hindi pa nakokonsumoat ‘nakatago’ sa iba’t ibang singilin. Nakakalat ito sa generation charge, transmission charge, systems loss charge, franchise taxes at generation rate adjustment mechanism (GRAM).

Sa ilalim ng EPIRA, ang tax component at universal charge (UC) component ng mga bill sa kuryente ay kabilang sa mga pangunahing tumaas nitong mga nakaraang taon. Itong components na ito ay dagdag na pabigat na pinahintulutan sa ilalim ng EPIRA na singilin ng mga pribadong kumpanya sa mga konsyumer.

Ang UC aysingilin na kinukolekta ng generation firms na kabilang ang missionary electrification, at  nag-oobliga sa mga kostumer na karamiha’y mga sambahayan, na bayaran ang kuryente sa mga lugar na hindi konektado sa main grid, ang pangangasiwa sa watershed gayundin ang subsidyo para sa indigenous renewable resources. Tumaas ito nang higit 190% mula 2003 para sa mga kostumer ng MERALCO.

Ipinasa rin ng EPIRA sa mga konsyumer ang pagbayad sa franchise, energy at value added tax sa kapakinabangan ng power utilities. Ang billing component na ito na tumaas nang 475% ay kinarga ng mga konsyumer sa halip na kargahin ng mga negosyante sa power sector.

Sa katotohanan, ang ERC ay ahensyang nag-aapruba na lamang ng singil sa kuryente. Hindi nito binantayan kung natutupad ang mandato ng EPIRA na tiyaking tinatamasa ng publiko ang abot-kayang singil sa kuryente.  . Nasa unahan rin ito ng pagtulak ng pagbabago sa pinagbabatayan ng singil sa performance-based rate (PBR) na nagpapahintulot sa mga power utility na magdeklara ng target na kita sa susunod na limang taon.

Sa pamamagitan ng PBR, ang mga negosyo ay di-makatarungang makapag-oobliga sa mga kostumer na magbayad ng tayang konsumo ng kuryente na hindi pa nagagamit ng mga konsyumer. Halimbawa, ang Manila Water Inc. at Maynilad Water ay nag-umpisa nang sumingil ayon sa tinatayang milyun-milyong kita mula sa Wawa Dam, Angat Water at Laiban Dam, gayong wala pa namang proyektong nasisimulan hanggang ngayon. Ang pagtaas ng Meralco nang 10.4% sa kita sa distribusyon noong maagang 2009 ay dahil sa PBR na naglakip ng koleksyon ng underrecoveries. Ipinahintulot rin nito ang pagtaas ng singil nang halos Php0.45/kWh noong Abril at Disyembre 2009 gamit ang PBR sa kabila ng pagkuwestyon ng Commission on Audit (COA) sa iregularidad nito.
Palpak din ang Wholesale Electricity Spot Market (WESM) na binuo sa ilalim ng EPIRA at inasahang paganahin ang diumano’y malayang kumpetisyon ng mga suplayer at mamimili ng kuryente. Halimbawa nito ang Luzon WESM na pinakamalaki sa bansa at kinabibilangan ng 23 generating companies subalit anim na pinakamalalaking generator lamang sa usapin ng rehistradong megawatts (MW) ang sumasaklaw sa 61% (7,117 MW) ng kabuuang rehistradong power. Ang konsentrasyon na ito ay lumilikha ng kundisyon para sa manipulasyon ng presyo ala-kartel sa dapat ay ‘kumpetitibong’ palengke, kung saan ang mataas na presyong lampas-lampas sa tunay na halaga ng generation, sa dulu’t dulo,  ay ipinapasa sa mga konsyumer.

Lugi sa bandang huli

Sa loob ng maraming taon, pinasan ng mga ordinaryong konsyumer ang hagupit ng pribatisasyon hindi lang sa usapin ng paputol-putol na suplay kundi sa usapin din ng papataas na singil kalakip ang di-makatarungang presyo ng power na hindi pinakikinabangan ng mga konsyumer. Pinahintulutan ng EPIRA ang deregulasyon ng presyo ng kuryente. Minanipula ng mga pribadong power producer ang mga presyo at ginawang walang-ngipin ang ERC na may mandato sanang timbangin ang katuwiran ng mga petisyon para sa pagtataas ng presyo nang may pagsasaalang-alang sa kapakanan ng publiko. Nakatabo na ng tubo ang mga kumpanya sa power,  naipasa pa nito sa mga konsyumer ng presyo ng pagprodyus ng kuryente sa pamamagitan ng pagpataw ng di-makatuwirang mga singilin sa “unbundled rates”.

Lalo pang tumampok sa sampung taong implementasyon ng EPIRA na hindi dapat itrato bilang negosyo ang kuryente. Batayang serbisyo ito na dapat matamasa ng mamamayan nang may konsiderasyon sa kanilang kakayahang magbayad at sa pangangailangan ng ekonomya sa pag-unlad sapangkabuuan. Ang pagtiyak ng abot-kayang presyo ng kuryente ay nananatiling signipikanteng tungkulin para kay Pangulong Aquino, na sampung taon ang nakaraan ay bumoto laban sa EPIRA nang nasa Kongreso pa siya.Lathalaing IBON


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: