ibonreads

Reorganisasyon ng NFA, makakasama sa seguridad sa pagkain

In Filipino, IBON Features, IBON Networks on May 27, 2011 at 3:02 am

Habang tinatalakay sa Kongreso ang mga panukala kaugnay ng National Food Authority (NFA), nanawagan ang mga magsasaka at grupo ng mga konsyumer sa mga mambabatas na dagdagan ang subsidyo ng gubyerno sa nasabing ahensya sa halip na  na ireorganisa ito.

Binigyang-diin ng Bantay Bigas, grupong nagmomonitor sa presyo ng bigas kung saan kabilang ang IBON, ang pangangailangan na magkaroon ng higit na aktibong papel ang gubyerno sa NFA imbes na isapribado ang ahensyang pampagkain pati ang mahalagang papel nito sa seguridad sa pagkain.

Halos walang badyet na inilaan sa NFA sa pagbili  ng palay sa 2011 bunga ng planong isapribado ito. Subalit dahil sa matinding oposisyon ng publiko, naobliga ang gubyernong tipunin ang Php2.5 bilyong pondo ng Department of Agriculture para sa public-private partnerships at ang natitirang Php6 bilyon ng ahensya mula sa 2010 badyet upang mabuo ang tinaguriang subsidyo para sa NFA na umabot sa  halagang Php8.5 bilyon.

Samantala, ang presyo ng bigas na ipinamamahagi ng NFA ay tumaas mula Php25 kada kilo sa Php27 kada kilo noong Disyembre 2010. Ang presyo ng regular milled na bigas, na tuluy-tuloy na tumaas nitong nakaraang dalawang dekada, ay tumaas nang 75% mula 2001-2009.

Ang pagtaas sa presyo ng pinakamurang bigas sa palengke ay pabigat sa mga pamilyang Pilipino sa harap ng mas mataas na presyo ng langis, presyo ng kuryente, tubig at pamasahe laluna sa harap ng lubhang kulang na arawang sahod. Hindi lang kulang ang kasalukuyang Php426 arawang minimum na sahod para sa gastos ng pamilyang may limang myembro para sa pagkain, lpg, tubig, kuryente, upa sa bahay, pamasahe at iba pa; ginagawa nitong imposible ang paggastos para sa kasing-halagang pangangailangan gaya ng edukasyon at kalusugan.

Kaya’t para sa mga pamilyang Pilipino na ayon sa Family Income and Expenditure Survey ay gumagastos nang 21% ng kanilang badyet sa pagkain para sa bigas, napakahalaga ng mas malaking subsidyo sa NFA. Iginigiit ng Bantay Bigas na kailangan ng NFA ang Php21.9 bilyong higit sa Php8.5-bilyong tinipong subsidyo upang matupad ang tungkulin ng ahensya. Katumbas ito ng pagbili ng 10% ng pangkabuuang lokal na produksyon ng palay, na inaasahang ibebenta ng NFA sa mas murang halaga upang maimpluwensyahan ang presyo ng komersyal na bigas sa palengke.

Idinagdag pa ng grupo na sa pagtupad ng mandato ng NFA, matutulungan ng gubyerno ang may 4.9 hanggang 6.1 milyng magsasaka at kanilang mga pamilya para sa isang panahon ng taniman hanggang sa susunod.

Pagsapribado ng NFA

Ang mandato ng NFA upang tiyakin ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng pagpapamura ng bigas para sa publiko, laluna para sa mahihirap na Pilipino, ay nababantaan ng kasalukuyang isinasagawang programadong pribatisasyon ng naturang ahensya sa pagkain. Ang tulak para alisin ang subsidyo para sa NFA, gayundin ang pagpapataas sa presyo ng bigas, ay bahagi ng pagtupad ng mga kundisyon na isapribado ang ahensya. Ayon ito sa dikta ng mga institusyong pampinansyang internasyunal kapalit ng pautang para sa mga programa para sa kaunlarang agrikultural ng gubyerno ng Pilipinas.

Idinadahilan ng gubyerno ang pagkakabaon sa utang, mga di makontrol na bahagi at korupsyon sa NFA – kabilang ang mga ulat kamakailan tungkol sa ‘legalized smuggling’ ng bigas – bilang mga dahilan sa pagsasapribado ng NFA. Subalit dapat mapansin na sa proseso ng pagbawas ng suporta ng gubyerno sa ahensya nagkaroon ng malalaking utang ang NFA.  Ang mga utang panloob ng NFA ay umabot sa Php39.9 bilyon noong 2009. Umabot sa Php125 bilyon ang utang panlabas at sa Php37.7 bilyon ang mga utang nito mula sa mga pribadong bangko.

Mapagpasyang papel ng gubyerno

Ang kontrol ng estado sa produksyon at pamamahagi ng pangunahing pagkain ng bansa ay isinasapraktika sa mga kalapit-bansa ng Pilipinas sa Asia gaya ng China, Thailand, Vietnam at Malaysia. Kabilang sa mga hakbang ng mga bansang ito para maabot ang pag-asa-sa-sarili sa bigas ang pagbigay ng subsidyo sa mga prodyuser ng bigas, pagtalaga sa mga ahensya ng gubyerno upang matiyak ang suplay, at pagkontrol ng presyo. Prayoridad ang mga sektor ng agrikultura at butil sa usapin ng badyet at pagpopondo sa mga bansang ito. Kalakip nito ang pagpapaunlad ng teknolohiya at imprastraktura para sa dagdag na produksyon ng bigas gayundin ang pagtiyak na sapat ang pondo ng mga ahensya ng gubyerno at ginagawa ng mga ito ang kanilang tungkulin. Naglalaan din ng sapat na subsidyo at proteksyon para sa kanilang sektor pang-agrikultura ang mga mauunlad na bansa kabilang ang US.

Para sa isang bansang pangunahing pagkain ang kanin, tumatampok ang pagpapabaya ng gubyerno sa kasalukuyang kadusta-dustang kalagayan ng agrikultura ng Pilipinas gayundin ng mga prodyuser ng pagkain. Samantala, lalo’t lalong nagiging mahirap abutin ang mga layuning “pag-asa-sa-sarili kaugnay ng bigas”, gayundin ang seguridad sa pagkain. Lathalaing IBON

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: