ibonreads

Tatlong Balitang IBON:P13 dagdag sahod, kulang na, pinapaguho pa ng implasyon ang NCR minimum na sahod sa P235 na lamang,Tubo ng Big Three higit pa sa pinagsamang kita ng pinakamahihirap na pamilya sa bansa; Wala nang P25/kl bigas sa palengke: Grupong nagbabantay sa presyo ng bigas, nanawagang itigil ang pribatisasyon ng NFA

In Filipino, IBON Networks, Media Release on May 13, 2011 at 10:59 am

P13 dagdag sahod,  kulang na, pinapaguho pa ng implasyon ang NCR minimum na sahod sa P235 na lamang

Ang Php13 dagdag-sahod na iminumungkahi ng mga employer ay hindi sapat kahit para ibalik ang antas nito noong Hunyo 2010, ayon sa grupong panaliksik na IBON. Idinagdag rin nitong pinaguho na ng implasyon ang minimum na sahod sa Metro Manila sa Php234.90 lamang.

Nag-abereyds ang implasyon sa 3.7% mula Hulyo 2010 at umabot ng 4.5% noong Abril 2011. Hinatak nito ang tunay na halaga ng nakatalagang sahod na Php10.50 mula umpisa ng administrasyong Aquino. Hinatak nito ang kasalukuyang minimum na sahod sa National Capital Region (NCR) na Php404 sa Php234.90 lamang sa tunay na kalagayan nitong Abril 2011, kung susukatin sa mga presyo noong 2000.

Ang dagdag-sahod na Php125 na iginigiit ng mga progresibong grupo ng mga manggagawa ay magdadala sana sa minimum na sahod sa wala pang kasing-taas na antas ng tunay na halaga nito. Dagdag pa, ang halaga ay 15% bawas lamang sa tubo ng mga employer na may 20 mahigit na manggagawa. Kung sakali, ito rin ang magiging unang indikasyon na may anumang pagbabagong nagaganap sa ilalim ng administrasyong Aquino, ayon sa grupong panaliksik.

Ang Php125 dagdag-sahod ay magtataas sa tunay na halaga ng minimum na sahod sa Php304.90. Hindi ito magiging sapat para bigyan ng disenteng i pamumuhay ang manggagawa, subalit magbibigay ito ng kailangang-kailangang konswelo sa konsumisyong dulot ng nagsisiritang mga presyo.

======================

Tubo ng Big Three higit pa sa pinagsamang kita ng pinakamahihirap na pamilya sa bansa

Mabilis na humahakot ng tubo ang Big Three na kumpanya ng langis  kasabay ng tumataas na presyo ng langis.  Ayon sa kanilang rekord mismo hindi bababa sa Php141.7 bilyon ang naging tubo nito sa nakaraaang dekada. Higit pa ito sa pinagsama-samang kita ng pinakamahihirap na 2.36 milyong pamilya sa bansa – na nagkakahalaga ng Php114.3 bilyon noong 2009, ayon sa grupong  panaliksik na IBON.

Pinasisinungalingan ng mga datos na ito ang deklarasyon ng Big Three na kailangan ang mga lokal na pagtaas ng presyo upang mabawi nila ang lugi sa paggalaw ng presyo ng langis sa daigdig. Dahil dito, sinabi ng grupong panaliksik na ang panawagan para sa tunay na transparidad  sa lokal na industriya ng langis ay nananatiling kagyat upang matiyak na ang Big Three ay hindi tumutubo sa kapinsalaan ng publiko.

Ang lokal na presyo ng diesel ay tumaas mula Php13.96 kada litro noong 2001, rumurok sa Php44.31 noong 2008 bago bumagsak nang bahagya sa Php41.26 noong 2010. Ang presyo ng regular na gasolina naman ay tumaas mula Php16.58 noong 2001 papuntang Php45.92 noong 2008 at ibayo pa sa Php48.73 noong 2010.

Samantala, ang netong kita ng Pilipinas Shell ay tumaas nang anim na beses mula Php3.1 bilyon noong 2001 papuntang Php19 bilyon noong 2008 at Php16 bilyon noong 2009 sa pangkabuuang netong kita sa loob ng siyam na taon na umabot ng Php73.0 bilyon. Ang netong kita ng Chevron ay lumaki nang labing-isang beses mula Php1 bilyon noong 2001 papuntang Php10.7 bilyon noong 2007 at Php8.6 bilyon noong 2008, bago bumaba sa Php8.3 bilyon noong 2009. Ang pangkabuuang netong kita mula 2001-2009 ay umabot nang Php40.2 bilyon.

Hindi pa man kumpleto ang datos sa tubo ng Petron, tumaas ang tubo nito mula Php1.2 bilyon noong 2001 papuntang Php6.1 bilyon noong 2007, na sumusuma nang Php28.6 bilyon sa loob ng pitong taon. May mga ulat na nakapagtala na ito ng Php1.9 bilyong tubo sa unang kwarto ng 2010 lamang.

Sa buong daigdig, ang mga inang kumpanya ng Big Three ay tumatabo rin ng supertubo sa pagtaas ng presyo ng langis. Ang presyo ng krudong Dubai ay tumaas mula sa taunang abereyds na US$22.70 kada bariles noong 2001 at rumurok sa US$94.80 noong 2008 bago bumagsak sa US$78.10 noong 2010. Ang presyo ng krudong Dubai ay nagsimula na muling mabilis na tumaas at nasa US$120 kada bariles na.

Ang mga tubo ng Royal Dutch Shell ay higit pa sa dumoble mula US$10.9 bilyon noong 2001 sa US$26.3 bilyon noong 2008 at bahagyang bumaba sa US$20.1 bilyon noong 2010. Ang pangkabuuong tubo nito mula 2001-2010 ay umabot ng US$192 bilyon – o higit pa sa halaga ng ekonomya ng Pilipinas, kung susukatin sa gross domestic product (GDP) noong 2010 sa US$189.0 bilyon.

Ipinakikita ng mga datos na ito na ang mga pagtaas sa presyo ay pinakinabangan nang husto ng monopolyo sa langis. Sa lokal, ang deregulasyon at ang prinsipyo nito ng awtomatikong pagbabago sa presyo ay nagpahintulot sa Big Three na makahakot ng dambuhalang tubo habang ibayong pinatatatag ang kartel sa industriya. Inuulit ng IBON ang pusisyon nito laban sa patakaran ng deregulasyon sa langis dahil hinihikayat nito ang gayong walang-pakundangang pagtubo sa kapinsalaan ng mga konsyumer na Pilipino.

=======================

Wala nang P25/kl bigas sa palengke: Grupong nagbabantay sa presyo ng bigas, nanawagang itigil ang pribatisasyon ng NFA

Nanawagan kamakailan ang grupong Bantay Bigas sa Asian Development Bank (ADB) na itigil na ang pagtulak sa pribatisasyon ng National Food Authority (NFA) sa harap ng patuloy na pagtaas sa presyo ng bigas na pangunahing pagkain sa bansa. Ang Bantay Bigas ay grupong nagbabantay sa presyo ng bigas at binubuo ng iba’t ibang sektor sa industriya ng bigas.

Upang pasinungalingan ang deklarasyon ng ADB na bumagsak ang presyo ng bigas nang 0.9% mula Hunyo 2010, binanggit ng grupo ang datos ng Bureau of Agricultural Statistics na nagpapakitang sa katunayan ay tumaas ang presyo ng bigas sa abereyds na 1.2% para sa lahat ng klase ng bigas. Ang presyo ng bigas ng NFA ay tumaas din nang Php2.00 o 8% noong Disyembre 2010. Kayat ang sinasabing P25/kilo na bigas ng NFA ay hindi na matatagpuan sa merkado, at ibayong naging mailap ang pangunahing pagkaing ito sa mahihirap na Pilipino.

“Ang pagtaas sa presyo ng bigas ng NFA ay epekto ng plano ng gubyerno na isapribado ang ahensya sa pagkain ng bansa bilang tugon sa mga kundisyong ipinataw kapalit ng pautang ng ADB at iba pang pandaigdigang institusyong nagpapautang,” wika ni Lita Mariano, tagapagsalita ng Bantay Bigas. Kabilang sa maraming katulad na pautang na pinansin ng grupo ang 1993 Food Sector Loan Program at ang 1999 Grains Sector Development Program ng ADB na parehong nagtulak para sa pribatisasyon ng NFA kabilang ang pribatisasyon ng pagbili ng NFA ng lokal na palay at pag-angkat ng bigas, gayundin ang pagtaas ng presyo ng bigas ng NFA.

“Sinabi mismo ng ADB sa isang pag-aaral na ang mga pagtaas sa presyo ng pagkain ay nagtutulak sa mas maraming Pilipino sa kahirapan, kayat dapat na nitong itigil ang pagtulak sa pribatisasyon ng NFA at  sa halip ay suportahan ang ahensya sa pagtupad ng mandato nito na tiyakin ang pamamahagi ng pangunahing pagkain sa abot-kayang presyo,” sabi ni Mariano. Ayon sa ADB, ang 10% pagtaas sa lokal na presyo ng pagkain ay magdadagdag ng 1.37 milyon sa hanay ng mahihirap, at ang ibayo pang pagtaas sa presyo ng pagkain ay magtutulak ng higit pang marami sa kahirapan.

Nakatakdang ilabas ngayong buwan ng  Bantay Bigas, kung saan bahagi  ang IBON ang transkrip ng National Rice People’s Congresss (NPRC) na inilunsad nito noong Pebrero. Tampok sa NPRC ang mga sumatibong ulat ng mga konsultasyong isinagawa nito sa iba’t ibang sektor ng industriya ng bigas sa Luzon, Visayas at Mindanao. Nagluwal ng pahayag ng pagkakaisa ng mga nagsidalo ang aktibidad, na kabilang sa mga  kagyat na iginigiit ay ang pagbabalik sa merkado ng Php18.25 kada kilong bigas ng NFA at ang pagtaas sa binibiling palay ng NFA sa pamamagitan ng pagbalik ng badyet nito na hindi bababa sa 8 bilyon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: