ibonreads

P44 bilyong pagbayad sa mga pautang para sa CCT, babalikatin ng mga Pilipino

In Filipino, Media Release on December 4, 2010 at 2:17 pm

Balitang IBON | Nanawagan ang grupong panaliksik na IBON sa mga mambabatas na tumatalakay sa badyet para sa kontrobersyal na Conditional Cash Transfer (CCT) Program na tingnan ang resultang dagdag na kargahing utang na babalikatin ng mga Pilipino upang bayaran ang mga pautang para sa programa.

Depende sa padron ng tantos ng interes, inisyal na tantsa ng IBON na ang kabuuang serbisyong utang ng Pilipinas para sa mga pautang ng World Bank at Asian Development Bank (ADB) para sa programang CCT ay maaaring umabot ng di bababa sa US$1.007 bilyon (PhP 44.31 bilyon sa kasalukuyang palitan). Kabilang rito ang US $202 milyon (PhP 8.9 bilyon) sa tinatayang kabayaran para sa interes – US $94.6 milyon sa World Bank at US$107.4 milyon para sa ADB. Kabilang na rito ang US$1,012,500 front-end fee (porsyentaheng babayaran nang minsanan kadalasan sa pagpirma sa utang) sa World Bank, bagaman mahigit US$1 milyon na commitment charges (taunang porsyentaheng bayarin na binabayaran kada kwarto) sa ADB ang hindi pa nito nasasaklaw.

Ang US $400-milyong pautang ng ADB ay babayaran sa loob ng 25 taon nang may palugit na 5 taon kapag ang principal ay hindi pa kailangang bayaran. Ang US$405 milyon sa World Bank naman ay babayaran sa loob ng 20 taon nang may 10-taong palugit.

Ang singil sa tantos ng interes ay kinokompyut bilang LIBOR at 0.30% sa kaso ng pautang ng ADB at LIBOR at 0.17% sa kaso ng pautang ng WB, alinsunod sa kani-kanilang kasunduan sa pagpapautang. Ang LIBOR naman ay ang 6-buwang USD tantos na nakapako sa kasalukuyang 0.44% hangang 2015 at nakatantsa sa 1.0% mula 2015-2019, 1.5% mula 2020-2024, 2.0% mula 2025-2029, at 2.5% mula 2030-2035.

Mga konserbatibong pagtaya pa ito, ayon sa grupong panaliksik. Ang kasalukuyang 0.44% tantos ng interes halimbawa ay bumaba mula 1.6% sa umpisa ng 2009, 3.5% sa umpisa ng 2008, at 5.4% sa 2007; ang LIBOR ay umabot nang lampas 6% noong 2000, lampas 8% noong 1990 at lampas pa ng 9% sa huling bahagi ng dekada 1980.

Anumang panghinaharap na debalwasyon ng piso laban sa dolyar ng US ay lalong magpapataas sa kargahing utang sa piso. Pinansin ng IBON na ang mga tantos ng interes ay bumaba dahil sa krisis pandaigdigan. Habang umiige ang ekonomyang pandaigdig, ang kabalintunaan ay na ang kargahing utang ay bibigat sa parehong paraan na lumalakas ang dolyar, dagdag pa ng grupo.

Ang dagdag na pagkakabaon-sa-utang na ipapataw ng programang CCT sa mga Pilipinong nagbabayad ng buwis ay ibayong argument laban sa mga umano’y benepisyo ng programa. Ang CCT, gaya ng sinasabi ng maraming kritiko, ay isang dole-out na programa na di magkakaroon ng makabuluhang epekto sa ganap na pagpawi ng kahirapan kundi maghahatid lamang ng mas mabigat na kargahing utang para sa mga Pilipino. #

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: