ibonreads

PPP: Dagdag na utang pampubliko, bawas na responsibilidad ng gubyerno

In Filipino, IBON Features on November 21, 2010 at 5:01 am

Bukod sa ibayong pagpalobo ng kargang utang, ang tulak-PPP ni Aquino ay maghahatid rin ng dagdag na paglamon ng negosyo sa mga tungkulin ng gubyerno at sa kapinsalaan ng interes pampubliko

Lathalaing IBON – Nobyembre 17-19 –  Naglunsad ng pangunahing okasyon ang Malacañang na tinawag na “Infrastructure Philippines 2010” o ang tinatawag sa midya bilang kumperensyang public-private partnership (PPP). Mahalagang kumperensya ito para kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, na ginawang sentrong programa ng planong pangkaunlaran ng kanyang administrasyon ang PPP.

Ayon sa website nito, pag-aaralan ng kumperensya ang “mga oportunidad sa pamumuhunan, hitsura ng mga proyektong PPP sa Pilipinas, gayundin ang mga usaping pampatakaran, pangregula at pambatas sa pagpapaunlad ng sector pang-imprastruktura sa Pilipinas”.

Ikinakatwiran ng mga tagapagtanggol ng neoliberal na globalisasyon na habang ang mga korporasyon at bangko ay tutubo mula sa mga proyektong PPP, sila rin ang magpipinansya at magtatatag ng kinakailangang imprastruktura, na hindi kayang gawin ng kulang-sa-rekursong gubyerno. Bukod sa pag-ani ng produktong ihahatid ng higit na imprastruktura, makikinabang rin diumano ang mamamayan mula sa umunlad na serbisyong gubyerno gayong ang limitadong rekursong pampubliko ay mas maitutuok na ngayon sa pagbigay ng serbisyong panlipunan.

Subalit ang mga proyektong PPP ba, gaya ng anumang ‘partnership’, ay magiging kapaki-pakinabang para sa dalawang panig?

Libre?

May populasyong mahigit 94 milyon at lumalaki pa, at gubyernong nahaharap sa wala pang kapantay na depisitong piskal na PhP 325 bilyon sa dulo ng taon, ang administrasyong Aquino ay nagsasabing walang ibang posibleng paraan upang suungin ang dambuhala’t lumalaki pang pangangailangan para sa imprastruktura sa bansa maliban sa daang PPP.

Samantala, kumpara sa mga kapit-bansa nito sa Southeast Asia na gumagastos sa imprastruktura nang 5% ng gross domestic product sa abereyds, ang Pilipinas ay gumagastos lamang ng 3%.

Ang lohika ay na pahihintulutan ng PPP ang gubyerno na itabi ang naghihingalong rekurso nito dahil ang pribadong sektor ang kakarga ng pinansyal na toka sa pagtatag, pagmantine, at pag-opera ng mamahaling imprastruktura. Sa una niyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, masugid na ipinatalastas ni Aquino ang tulak-PPP niya at idineklarang sa pamamagitan ng gayong mga tambalan, “matutugunan natin an gating mga pangangailangan nang hindi gumagastos, kikita pa tayo”.

Subalit, walang kapitalista ang mamumuhunan sa malalaking proyekto sa relatibong maliit na pamilihan gaya ng Pilipinas nang walang tiyak na garantiya na magseseguro ng proteksyon at pagtutubuhan ng kanyang puhunan.

Bilang resulta, ang mga kontratang PPP ay hitik ng mga paborableng punto para sa mga mamumuhunan gaya ng garantisadong balik sa puhunan, garantisadong pamilihan at benta, mga insentibong piskal, buong pagbawi ng gastos kabilang ang sa implasyon at currency fluctuation, at kahit mga di kilalang pampatamis gaya ng mga subsidy para sa gastos sa produksyon (maaalala ang fuel cost subsidy ng independent power producers ng Napocor) – na lahat ay tangan ng mamamayan bilang mga konsyumer at tagabayad ng buwis.

Ganito na ang naging kaso sa mga nakaraang tangka sa PPP mula pa noong unang administrasyong Aquino. Ipinakilala ng yumaong ina ni Noynoy na si Pang. Cory ang Build-Operate Transfer (BOT) Law noong 1990.

Di hulog ng langit

Subalit nais higitan ni Aquino ang mga sinundan niya kabilang ang administrasyong Arroyo na ang lubos na ipinangalandakang “pamana” ay nakasentro sa diumano’y di pa napapantayang tagumpay sa pagpapaunlad ng imprastruktura. “Mataas ang kumpyansa naming na hindi lamang naming lalampasan (ang mga tagumpay ni Arroyo) kundi tatalunin pa ito nang milya,” matapang na idineklara ng Kalihim sa Pinansya na si Cesar Purisima.

Papaano pinaplanong gawin ito ni Aquino at ng mga tagapangasiwa niya sa ekonomya? Sa ilalim ng lahat ng salita tungkol sa reporma sa burukrasya at paglaban sa korapsyon upang hikayatin ang pinakamagagaling na kapitalistang mamuhunan sa PPP, ang mapait na katotohanan ay na ang dagdag na mamumuhunan ay darating lamang kaakibat ng dagdag pang garantiya at proteksyon ng gubyerno gaya ng garantisadong balik sa puhunan (guaranteed investment return), pagtamasa sa mga utang na garantisado ng gubyerno, at sa mga nagdaang taon, proteksyon mula sa mga panganib na magmumula sa di-paborableng desisyon sa korte na aapekto sa tubo.

Ang mga puhunang PPP ay hindi ‘hulog ng langit’, gaya ng kamakaila’y inamin ni Purisima. Mas kongkreto, huhuthot ng halaga ang PPP sa gubyerno at mamamayan, taliwas nauna nang proklamasyon ni Aquino na hindi tayo gagastos ni isang kusing.

Regulatory risk insurance

Upang gawing mas kabenta-benta ang kumperensyang PPP nito, nagdisenyo ang administrasyong Aquino ng bagong iskema upang protektahan ang interes ng mga mamumuhunan. Bukod sa tradisyunal na garantiya ng gubyerno sa tubo, at iba pa, ang gubyerno ay nag-aalok din ng ‘mahahalagang insentiba’ upang ibayong mahatak ang mga pribadong rekurso para sa mga proyektong PPP.

Isa rito ang tinatawag na “regulatory risk insurance” kung saan ang gubyerno ay magbibigay ng proteksyon sa mga mamumuhunan mula sa “ispesipikong pangyayaring regulatory risk gaya ng mga utos ng korte o desisyon ng mga grupong tumatalakay sa regulasyon na pumipigil sa mga mamumuhunan na galawin ang mga taripa patungo sa mga napagkasunduang antas ayon sa mga kontrata.

Ipinaliliwanag ng mga tagapangasiwa sa ekonomya ni Aquino na ang gayong insurance ay maaaring sa anyo ng make-up payments mula sa gubyerno patungo sa mga mamumuhunan sa PPP, bukod sa mga garantisadong bayad, at mga paggalaw sa terminong nakasaad sa kontrata. Ang usapan sa proteksyon ay ilalakip sa kontrata ng bawat proyektong PPP.

Habang tinitiyak ng gubyerno sa atin na ang risk insurance ay iaalok lamang sa kaso-por-kasong batayan, rasonableng asahan sa bawat naghahanap-ng-tubong mamumuhunan na lalahok sa mga proyektong PPP na humiling ng naturang insurance.

Subalit kung ang gubyerno ay gumagalaw sa konteksto ng isang seryosong depisito, papaano nito popondohan ang regulatory risk insurance? Sinabi ng pinuno ng National Economic and Development Authority (NEDA) na si Cayetano Paderanga na mangangalabit sila ng mga multilateral na insitusyon upang magbigay ng mga garantiya upang kapag naharap sa panganib ang mga mamumuhunan sa PPP, maaari pa rin silang “mabayaran nang mabilis at agaran”.

Gayunman, sa kadulu-duluhan, ang mga nagbabayad pa rin ng buwis ang kakarga sa bayarin ng risk insurance sa pamamagitan ng mga bayad-utang – interes at principal – sa mga multilateral na nagpapautang. Pinakamalamang ang mga pagmumulan ay kabibilangan ng Asian Development Bank (ADB) at World Bank, dalawa sa mga pinakaagresibong tagapagpautang at aktibong promoter ng mga proyektong PPP. Ang huli ay nagpahayag na ng pagpayag na magbigay-pondo para sa mga proyektong PPP ng administrasyong Aquino.

Kayat kahit na sinasabi ng gubyerno na hindi ito magbibigay ng notoryosong nagsasariling garantiya para sa mga proyektong PPP, ang bansa ay maaari pa ring mauwing lalong baon sa utang kaysa dati.

Pagbalewala sa mga korte

Dagdag pa, ang garantiyang risk insurance ay maaaring magkaroon ng epekto na nagbabalewala sa sistema ng pagwasto at pagbalanse at gamit ng mga korte upang protektahan ang pampublikong interes.

Halimbawa, ang mga mamamayang babaling sa korte upang kwestyunin at itigil ang implementasyon ng madisbentahe at mapanirang kontratang PPP – gaya niyong mga hahantong sa dambuhalang pagtaas sa bayad sa toll, pamasahe sa MRT, presyo ng tubig at kuryente, atbp., o yaong mga magreresulta sa pisikal na pagpapalayas, pagwasak ng kalikasan, atbp – ay maaaring makatamasa ng paborableng desisyon.

Subalit kokontrahin ang paborableng desisyong ito, kundi mawawalan ng saysay, dahil ang pribadong opereytor ay mababayaran sa pamamagitan ng risk insurance, na ang mamamayan mismo ang magbabayad sa huli sa World Bank, ADB, o anumang multilateral na bangkong nagpopondo sa risk insurance.

Pondong imprastruktura

Bukod sa risk insurance, ang administrasyong Aquino ay kumikilos rin kasama ang mga bangkong multilateral para sa pagtatatag ng Philippine Infrastructure Development Fund (PIDF). Ang bagong entidad na ito ay ihinuhugis, ayon sa kawanihan sa pinansya, sa Infrastructure Development Finance Co. Ltd (IDFC) ng India at PT Indonesia Infrastructure Finance (IIF) ng Indonesia.

Sa website nito, ang IDFC ay inilalarawan bilang “nangungunang tagapinansya sa imprastruktura ng India na nagbibigay ng dulo hanggang dulong pinansya sa imprastruktura at serbisyo para sa implementasyon ng proyekto”. Sa kabilang banda, ang IIF ay upisyal na inilunsad nito lang Agosto bilang pribadong kumpanyang tagapinansya sa imprastruktura na may inisyal na capital na US$170.3 milyon mula sa gubyerno ng Indonesia, ang pribadong tagapagpautang na kamay ng World Bank na International Finance Corp. (IFC) at ang ADB bukod pa sa 2 trilyong pautang na rupiah mula sa mga multilateral na mga bangko ring iyon.

Wala pang upisyal at pinal na pahayag kung papaano maglilikom ng pondo ang planadong PIDF. Subalit pinakamalamang katulad ng IIF ng Indonesia, ang gubyerno ay maglalablas ng pondo para sa inisyal na kapital ng bagong entidad, na inaasahan ring punuan ng mga utang mula sa World Bank, ADB at iba pang dayuhang tagapagpautang.

Sa mga naunang pahayag, sniabi rin ng mga upisyal sa pinansya na ang PIDF ay maaaring pumasok sa pag-isyu ng 25-taong lokal na bonds, target ang mga kumpanya sa insurance at pension. Ang mahihiram na salapi ay muling ipapautang sa mga mamumuhunan na kalahok sa mga proyektong PPP. Kayat kung tutuusin, an PIDF ay magiging mekanismo ng administrasyong Aquino upang igarantiya ang mga tagapondo at tagapagpautang na ang salaping ipinahiram sa PPP ay mababayarang muli.

Paglamon ng negosyo

Para sa administrasyong Aquino, ang pribadong sector ay hindi lamang naglalayon ng tubo kundi sa katunayan ay “pangunahing beihkulo para sa pambansang paglago at pag-unlad”. Kayat sa pamamagitan ng mga proyektong PPP, maraming krusyal na responsibilidad ng gubyerno ang naililipat sa tagalikom-ng-tubo na mga pribadong korporasyon at bangko, sa partikular ng pag-unlad at pag-opera ng pangunahing imprastruktura gaya ng mga kalsada at kalipunan ng mga pampublikong transportasyon, paglikha ng kuryente, pagsuplay at pagpamahagi ng tubig, at iba pa.

Sa tono pa rin ng neoliberal na adyenda, pinaliliit ng PPP ang papel ng pampublikong sector sa paglikha ng paglago at pag-unlad, at pagdaka’y isasantabi ang responsibilidad ng gubyerno na tiyakin ang mga pang-ekonomyang oportunidad para sa mga mahihina’t bulnerable at para sa pantay-pantay na pamamahagi ng yaman.

Ang dapat ay tungkulin ng gubyerno bilang tagaregula ay pampalabas lamang gayong ang isinusulong ng neoliberalismo ay ang pagpabaya sa mga negosyo na mag-opera sa pinakapaborableng kondisyong possible – o na walang pangingialam ng gubyerno.

Ang mga inisyatibang PPP ay pinangangasiwaan ng mga kontrata na nagbabaybay sa mga termino ng dapat ay tambalan. Subalit ang mga kontratang ito ay kadalasang dati nang dinisenyo ng mga multilateral na tagapondo at mga bangko upang tiyakin na makapanghihikayat nang husto ang mga ito sa mga pribadong mamumuhunan, at sa proseso ay inaalis ang anumang makabuluhang regulasyon ng gubyerno. Isang halimbawa ang pribatisasyon ng MWSS kung saan ang dinisenyo ng World Bank na kontrata sa konseksyon ay lumikha ng isang grupo ng gubyerno na magreregula na wala namang ngipin at walang saysay.

Ang halaga ng PPP

Ang administrasyong Aquino, na ang pangkat ng mga tagapangasiwa at tagapayo sa eknomya ay binubuo ng parehong mga tao sa likod ng mga neoliberal na reporma ng mga nakaraang rehimen, kabilang ang admnistrasyong Arroyo, ay tumuturing sa PPP bilang masalamangkang bala na tutulong sa paglutas ng walang-lunas na depisitong piskal ng bansa at kawalan nito ng imprastruktura. Katambal ng malakas na tulak kontra-korapsyon, diumano’y maghahatid at magmamaksimisa ang programa ng mga puhunan, lilikha ng trabaho, at sasagot sa kahirapan.

Subalit gaya ng paulit-ulit na binigyang-diin ng mga kritiko, ang karanasan ng bansa mula pa noong panahon ni Cory ay malinaw na nagpapakitang ang mga inisyatibang PPP ay hindi naggagarantiya ng ipon para sa gubyerno. Mas malala pa, sa maraming kaso, laluna sa pribatisasyon ng industriya sa kuryente, maaari pang pataasin ng mga inisyatibang PPP ang utang pampubliko.

Nakakalungkot na sa mga dagdag pang iskemang niluluto gaya ng regulatory risk insurance at pondong imprastruktura bukod sa karaniwang insentiba, ang panganib ng higit na pagkakautang at, bilang resulta, ng mas kaunti pang rekurso para sa serbisyong panlipunan at pangangailangan para sa pag-unlad ay nakaamba’t lumalawak sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Maliban sa ibayong pagpalobo ng kargahing utang, ang tulak-PPP ni Aquino ay pawang maghahatid ng higit pang paglamon ng negosyo sa mga tungkulin at gawain ng gubyerno na sadyang magreresulta sa samutsaring abuso at kapinsalaan laban sa pampublikong interes. Lathalaing IBON

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: