ibonreads

Conditional Cash Transfers (CCTs): Pansamantala, mapanlihis at di-maipagtanggol

In Filipino, IBON Features on October 29, 2010 at 10:14 am

Ang paatras na katangian ng CCTs ay pinakamauunawaan sa pagdepensa nito sa mga patakarang neoliberal (pagbibigay-buwelo sa ‘malayang’ pamilihan) – makroekonomiko (pagtanaw sa ekonomya sa pangkabuuan). Ang mas malawak na badyet para sa ‘proteksyong panlipunan’ ay gagamitin upang pahinain ang epekto ng mga panlipunang suliraning ibubunga ng mga patakaran ng globalisasyon na may itinatangi, maipagpatuloy ang implementasyon ng mga ito, at makapagtulak ng dagdag pa.

Lathalaing IBON – Ang conditional cash transfers (CCTs) ng administrasyong Aquino, na pinakamalaking bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nito, ay maraming kaaya-ayang punto. Ang pagbibigay ng salapi sa mahihirap na pamilya ay kaaya-aya sa mga kiling sa kawanggawa. Ang mga interesado sa panlipunang kapakanan ay nagagalak sa pokus sa kalusugan ng mga ina at bata at sa batayang edukasyon. Ang mga teknokrata naman ay komportableng pag-usapan ang ‘kapital sa tao’, ‘mga sistema sa pagtarget sa mga sambahayan’, ‘katatagang panlipunan’, ‘proteksyong panlipunan’ at mga maihahatid sa madla na nasusukat.

Subalit habang ang CCTs sa unang tingin ay di-matatawaran, nag-uudyok ng mga seryosong usapin kapag tiningnan ito sa perspektiba ng progresibong pag-unlad at sa konkretong kundisyon ng Pilipinas. Maaaring maghatid ng inaasahang ginhawa sa mga pamilya ang CCTs subalit kung hindi pa rin nangyari sa ekonomya ang mga radikal na repormang kailangang-kailangan nito, mananatili ang mga ugat na sanhi ng kahirapan – at mananatiling mas mahirap higit kailanman ang mga Pilipino.

4P/s mga numero kaugnay ng CCTs

Diretsahan ang disenyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa programang 4Ps/ CCTs. Maggagawad ito ng salapi sa mga benepisyaryong sambahayan na tumutupad sa mga sumusunod na kundisyon: ang mga buntis ay tumatamasa ng pangangalaga bago at pagkatapos manganak at may sanay na propesyunal pangkalusugan sa pag-anak; nakatatanggap ang mga batang edad 0-5 ng regular na tsekap at bakunang pangkalusugan; ang mga batang edad 6-14 ay umiinom ng gamot pampurga dalawang beses kada taon; ang mga batang edad 6-14 ay dumadalo sa day care, preschool, elementarya at hayskul (ayon sa dapat) nang 85% ng buong panahon; at dumadalo sa mga ‘pag-aaral hinggil sa pagpapaunlad ng pamilya’ ang mga magulang.

Ang mga benepisyaryong sambahayan ay makatatanggap ng P500 kada buwan sa pagtupad sa mga kundisyong pangkalusugan (P6,000 kada taon) at P300 kada bata kada buwan, hanggang sa maksimum na 3 b ata, para sa rekisitong pang-edukasyon (o P3,000 kada bata para sa 10-buwang ng taong pampaaralan). Ang isang sambahayan na may tatlong kwalipikadong bata kung gayon ay maaaring makatanggap ng P1,400 kada buwan sa loob ng taong pampaaralan o hanggang P15,000 kada taon. Ang biyayang salapi ay maaaring matanggap hanggang limang taon, pinakamalamang sa pamamagitan ng ATM/ cash card ng Land Bank na ibinigay sa ina.

Ang CCTs ay inumpisahan sa ilang libong sambahayan noong huling bahagi ng 2007. Ang pormal na implementasyon ng programa ay nag-umpisa noong 2008 at tinarget na makaabot sa isang milyong benepisyaryo sa 2010. Dramatikong pinalalawak ng administrasyong Aquino ang programa na ngayon ay tumatarget na makaabot sa 2.3 milyong sambayahan sa 2011 (2.6 milyon sa ibang ulat) at hanggang apat na milyong benepisyaryo sa 2016. Upang maabot ito, ang badyet para sa 4Ps ay dinagdagan mula P10 bilyon noong 2010 hanggang P29.2 bilyon sa 2011, at ang P21.2 bilyon nito ay para sa implemetasyon ng CCTs. Tinatantsa ng kasalukuyang kalihim ng DSWD na ang kaakibat na halagang pangpangasiwa ay aabot ng P1.9 bilyon taun-taon, at hihigit sa P4 bilyon kung ilalakip ang iba pang gastos sa mga treyning ng mga magpapatupad, mag lider-magulang at komunidad.

Pagpapanggap ng kahirapan

Ang malalaking numero ay kaaya-ayang isipin laluna sa gitna ng kaganitan, lawak at lala ng kahirapan sa Pilipinas. Pito sa sampung Pilipino (70%) ang nagtatangkang tugunan ang kanilang mga batayang pangangailangan kabilang ang pagkain, masisilungan, damit, gamot at edukasyon sa P86 kada araw; sa pinakailalim, isa sa tatlong Pilipino (33%) ang nagtatangkang mabuhay sa P41 o mas kaunti pa kada araw.

Ang mungkahing cash transfers ay di-matatawarang halaga para sa mga pinakamahihirap na pamilya ng bansa. Ang pinakamahirap na 10% ng mga pamilyang Pilipino ay may buwanang sahod ng P2,700, ang sunod na 10% na pinakamahirap mga P4,200 at ang sunod pang 10% na pinakamahirap mga P5,400, ayon sa pinakahuling 2006 Family Income and Expenditure Survey (FIES). Ang maksimum na P1,400 kung gayon ay makapagpapataas sa kita ng pamilya kada buwan nang 26% hanggang, sa kaso ng mga pinakamahirap na pamilya, mga 52% o higit pa. Gayundin, anumang tunay na pagbuti sa kalagayang pangkalusugan at edukasyon ng mga ina at bata ay walang-dudang mainam. Gayunman dinadagdagan ng programa ang bigat ng gawain para sa mahihirap na kababaihan gayong sila ang magiging pangunahing responsible sa pagtiyak ng pagtupad sa mga kundisyong pangkalusugan at edukasyon, at sila ring dadalo sa buwanang seminar pampamilya.

Ang bisa ng iskemang 4Ps/ CCT sa tunay na pagpawi ng kahirapan ay pinakamalamang napapalaki at, katunayan, ang programa ay posibleng gagamitin para sa mga layuning magpapalala ng kahirapan at sisira sa kapakanan ng mga Pilipino sa pangkalahatan.

Ang unang alalahanin kaugnay ng iskema ay ang diumano’y benepisyo sa larangan ng pinabuting ‘kapital sa tao’ na hindi tyak laluna sa mga ispesipikong kundisyon ng Pilipinas. Ang bansa ay nananatiling batbat ng kulang at mahinang-kalidad na pasilidad sa edukasyon at kalusugan na maaaring maging kulang para sa mga dagdag na gagamit. Ang higit na pagbanat sa mga limitadong klasrum at guro ay malamang na hihila pa pababa sa kalidad ng pagtuturo sa mga kasalukuyang estudyante, at gayundin sa pagsobra ng karga ng mga pasilidad at tauhang pangkalusugan. Ang hinahanap na pagbuti sa kalusugan o resulta sa pagtuto ng mga benepisyaryo ay maaaring hindi mangyari para sa marami. Binibigyang-diin nito ang mahalagang rekisito ng responsableng estado sa anumang programang CCT, at ang ‘kundisyon’ ay isang estado na tinutupad ang obligasyon nito sa mamamayan.

May batayan din para maniwalang ang bilyun-bilyong piso na inilaan ay hindi lahat mapupunta sa nakasaad na layunin. Malamang magkakaroon ng kakulangan sa kakayahang pangasiwaan ang wastong pagpapatupad ng ambisyosong proseso ng pag-target, pag-monitor at pagtugon sa 4Ps. Pagpasok halimbawa sa ika-4 kwarto ng 2010, ang DSWD ay kulang pa ng 212,000 sa tinatarget na isang milyong benepisyaryong sambahayan – subalit nais na nitong biglang abutin ang higit pa sa doble ng halaga para rito sa susunod na taon. Ang nakaukit na tendensya sa korapsyon at abuso sa pagkiling sa gubyernong pambansa at lokal, laluna kaugnay ng malalaking bulto ng pondo gaya ng sa CCT, ay isang mahirap taluning problema. Kaya’t nakakaalarmang pansinin na ang gubyerno ay patuloypang naglalabas ng kinita nito para sa pagpapatupad ng programang CCT.

Ang signipikanteng bilang ng pinakamahihirap sa bansa ay di pa nga mahahagip ng programa. Kabilang rito ang mga walang permanenteng tirahan (dahil kulang sa estableng trabaho o kabuhayan, o impormal na residente sa mga pinuprotestang komunidad), mga pamilyang walang tahanan, mga matatandang walang anak, at iba pa. Sa kabilang banda, ang malaking bilang ng mga maaabot ay maaaring di pa kabilang sa mga pinaka-nangangailangan o maaaring kabilang na sa mga dati nang tumutugon sa mga kundisyon ng CCT bago pa maabot ng programa. Ang programang CCT ay maaari ring sumosobra ang pagtantsa sa mga potensyal na benepisyo ng pagpapaunlad ng mismong ‘kapital sa tao’. May bandang 4.6 milyong walang-trabahong Pilipino sa bansa na siyam sa sampu (87%) ay nakapag-aral – 44% ang nakatapos ng o nasa hayskul, at 43% ay nag-aaral o nagtapos ng kolehiyo. Binibigyang-diin nito kung papaano, sa pangkalahatang kalagayang pang-ekonomya ng mahinang posibilidad ng trabaho kung saan ang pagiging tapos ng hayskul o kolehiyo ay hindi garantiya na magkakatrabaho, hindi makatotohanang akalain na kapag nakapag-aral o mas malusog gaya ng tinatarget ng CCT ay magreresulta sa pagkakaroon ng produktibo at mainam-magsahod na trabaho.

Pangalawa, ang 4Ps/ programang CCT ay magiging panabing para palakasin ang suporta para sa mga neoliberal o ‘malayang pamilihang’ patakaran ng globalisasyon na dati nang nagsanhi ng higit na kahirapan at pag-atras. Ang paatras na katangian ng lubos na pinalawak na programang CCT ay pinaka-nabibigyang-kahulugan ng pagtanggol nito sa mga neoliberal/ makroekonomikong patakaran. Ang mas masaklaw na badyet para sa ‘proteksyong panlipunan’ ay gagamitin upang bawasan ang epekto ng konsekwensya ng mga may-tinatanging patakaran, bigyang-katwiran ang patuloy nitong implementasyon, at humiling ng higit pa rito. Ang programa ay maaari ring magpaganda sa larawan ng kahirapan ng bansa taon sa 2015 pandaigdigang dedlayn sa pagtugon sa kontra-kahirapang Millennium Development Goals (MDGs) ng United Nations (UN), kapag ang mga kalakaran ng neoliberal na mga patakaran nitong mga nagdaang dekada ay di-maiiwasang dadanas ng higit na pagkilatis.

Gayunman, sa pangkalahatan, ang sitwasyon ay malamang magiging kahalintulad sa karanasan sa ‘safety nets’ sa lipas nang panahon ng structural adjustment at mga programang estabilisasyon: panandaliang benepisyo ng CCTs para sa ilang benepisyaryo na matatabunan ng pangmatagalang presyo ng pagwasak ng ‘malayang pamilihan’ sa trabaho at kabuhayan (kabilang ang mga nakatanggap ng CCT). Malinaw ang kaugnayan ng CCTs sa neoliberalismo. Binibigyang-katwiran ito bilang ‘mabisa’ sa pagpokus sa ‘karapat-dapat na mahihirap’, ang mga bata ay ‘kapital na tao’ na bibigyang-puhunan sa kanilang pagkakaroon ng kakayahang kumita sa hinaharap, at ang papel ng ‘indibidwal na responsibilidad’ sa panlipunang kahirapan ay binibigyan ng labis na diin – habang ang gubyerno ay pinahihintulutang isapribado ang esensyal na mga serbisyong panlipunan dahil ang pangingialam pangkapakanan ay ibinaling na sa cash transfers. Subalit ang serbisyong edukasyon at pangkalusugang para sa lahat ang naghahain ng pinakamahusay na posibilidad para sa tunay na unibersal na pag-abot ng lahat ng Pilipino, laluna ang pinakamahihirap. Dahil namamahagi lamang ng salapi sa ilang piling target, hindi hakbang ang programa tungo sa pag-abot ng layunin ng unibersal na paggamit ng lahat ng mahihirap na pamilya.

Pangatlo, ang CCTs ay nagbibigay ng esensyal na panandaliang ginhawa subalit nananatiling pawang pagpapamudmod. Pagpapamudmod ang CCT dahil ang mga benepisyaryo ay makakukuha ng salapi kapalit ang isang bagay na walang kinalaman sa kanilang trabaho bilang mga produktibong indibidwal – kayat tinataliwasan nito ang konsepto ng ‘kapital sa tao’ bilang panlipunang puhunan. Higit pa, mapamili ang katangian nito at ang mga benepisyaryo ay makakukuha lamang ng salapi hangga’t gumagana ang programa. Ang nakakintal na padron sa pambansang badyet ng gubyerno na isakripisyo ang mga panlipunang serbisyo sa panahon ng paulit-ulit na pagtaas ng bayad-utang at paghihigpit-sinturon ay partikular na panggagalingan ng kawalang-katiyakan at kawalang-kapanatagan.

Higit na pagkabaon sa utang

Ang programang CCT at ang mga di kaiga-igayang resulta nito ay darating pa sa presyo ng tumaas na utang para sa bansa. Ang gubyerno ng Pilipinas ay nakatamo na ng di bababa sa US $805 milyong utang upang mapinansyahan ang programang CCT nito, o mga P35 bilyon sa kasalukuyang palitan. Ang tulak ng World Bank para sa CCTs ay nag-umpisa sa teknikal na tulong para sa isang National Sector Support para sa Social and Welfare Development Project noong 2006. Noong Nobyembre 2009, ang WB ay nag-apruba ng US$405 milyong utang para sa Social Welfare and Development Reform Project (SWDRP) na kabilang sa iba pa ay sumaklaw sa cash transfers para sa may 376,000 sambahayan. Gayundin, ang Asian Development Bank (ADB) ay nagbigay ng kaugnay na tulong teknikal mula 2007 at 209 at, noong Setyembre 2010, ay nag-apruba ng US$400 milyong pautang para sa Social Protection Support Project (SPSP) na nagbigay ng pinansyal na suporta para sa 582,000 sambahayan. Ang World Bank at ADB ay matagal nang kabilang sa pinaka-sustenidong tagapagtaguyod at pinanggagalingan ng presyur para sa mga neoliberal at maka-globalisasyong patakaran sa Pilipinas.

Ito ay mga pautang para sa mga di-tiyak at kaduda-duda pa ngang resulta. Halimbawa, ang pangunahing ulat ng UN sa kahirapan na inilunsad noong Setyembre 2010, na tumukoy sa “[mga proteksyong panlipunang programa na] target batay sa kita at nagpapataw ng mga kundisyunalidad” ay nagsasabing: “Ang mga prinsipyong ito ay kwestyonable at hindi laging nagbubunsod ng inaasahang resulta, laluna kapag ang mga puhunan sa mga programa ay minimal at hindi sinusuportahan ng pagsisikap na harapin ang mga istruktural na sanhi ng kawalang-seguridad ng ekonomya.” Pinahuhupa ang pagbabanderang maka-CCT at kinikilala ang suporta sa ganoong mga inisyatiba ng mga eksternal na tagapagbigay, sinasabi ng report ng UN na “ang benepisyo sa makitid kung tumarget na tulong panlipunan ay kwestyunable” at ang “pagtarget batay sa kita ay ma karugtong na mataas na kabayaran at tatak ng kasiraan at nabibigo sa pag-abot sa mga mahihirap”.

Di maipagtanggol na pagpapalawak

Kung isasaalang-alang ang lahat ng bagay, ang kapansin-pansing pagpapalawak sa programa ay nag-udyok ng kauna-unawang suspisyon. Halimbawa, ang multi-bilyong pisong ekspansyon ay hindi malinaw na nabibigyang-katwiran ng anumang komprehensibong ebalwasyon ng programa. Sinabi ng DSWD na ang dalawang ebalwasyon ng 4Ps ay isinagawa – Pilot Spot Checks and Qualitative Evaluation at isang sarbey ng Social Weather Stations (SWS) sa unang kwarto ng 2010. Kung ang pilot spot checks ay pumapatungkol sa unang implementasyon ng programa noong 2007, ang karanasang ito ay sumaklaw lamang sa 6,000 sambahayan at ebalwasyon batay sa mga ‘spot check’ ng yaon pala’y may 760 sambahayan lamang ay malayo sa sapat. Higit pa, ang resulta ng ebalwasyong ito ay hindi man lamang matawag na makinang na tagumpay gayong mahina o mababa ang mga resulta sa mga target gaya ng pagpupurga, kumpletong pagpapabakuna at mga pagpapaanak na inaksyunan ng mga sanay na prupesyonal pangkalusugan.

Ang kadusta-dusta’t lumalalang kapakanan ng puu-puong milyon ng mga Pilipino ay isang seryosong hamon sa pag-unlad. Ang tunay na pagsisikap sa pagpawi sa kahirapan ay nangangahulugan ng batayang pagbabago sa pang-ekonomyang patakaran tungo sa pagpapabuti ng lokal na produktibong sektor ng lipunan. Ang malalang agwat sa kita, yaman at pag-aari sa bansa ay nangangahulugan din na dapat nang isagawa ang radikal na repormang muling-makapagpapamahagi pabor sa mahirap na nakararami. Ang unibersal na paggamit ng lahat ng mga Pilipino sa kalusugan at edukasyon ay pinakamalamang mas makakamit sa pamamagitan ng pinalakas na sistema sa pampublikong kalusugan at edukasyon, hindi yaong isinapribado at tiyak hindi laluna ng mapamili, sumisipat at panandaliang pamamaraan. Kung itong mga progresibong panlipunan at pang-ekonomyang patakaran ay gumagana, hindi na kakailanganin pa ng mga programa tulad ng 4Ps/ CCTs – at kung wala ang mga gayong patakaran, walang anumang dami ng 4Ps/ CCTs ang sasapat kailanman. Lathalaing IBON

Ang position paper hinggil sa programang Conditional Cash Transfers (CCTs) ng IBON ay mababasa nang buo sa http://www.ibon.org/ibon_articles.php?id=115

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: