ibonreads

Oktubre, Buwan ng Magsasaka: Ang kalabuan ng tunay na repormang agraryo

In Filipino, IBON Features on October 21, 2010 at 5:47 am

Ang mapait na kalagayan ng mga magsasakang Pilipino ay nagpapatuloy lampas sa unang 100 araw ng administrasyon at hanggang Oktubre, na minamarkahan ng mga magsasaka bilang Buwan ng mga Pesante

Lathalaing IBON – Walang banggit sa programa para sa reporma sa lupa ang Unang 100 Araw na Ulat ng administrasyon ni Pang. ‘Noynoy’ Aquino. Gayundin sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Aquino noong Hulyo, na nagbanggit lang ng public-private partnerships (PPP) para sa mga pasilidad at imprastruktura sa pagsasaka.

Lahat ito’y naglalantad na ang pagkilos para sa tunay na reporma sa lupa ay wala sa listahan ng mga prayoridad ni Pang. Aquino, isang kilalang haciendero. Noong nakaraan, naglahad siya ng suporta para sa unang taon ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extended with Reforms (CARPer), na tinuligsa ng mga grupong pesante bilang inutil na batas na nakakiling laban sa mga magasasaka. Katunayan, isang taon pagkatapos ng pagpatupad ng RA9700 o CARPer, lampas pa sa unang 100 araw ng bagong administrasyon at pagpasok sa Oktubre na minamarkahan ng kilusang magbubukid bilang Buwan ng mga Magsasaka, nagpapatuloy ang mapait na kalagayan ng mga Pilipinong magbubukid.

Tatlong araw lamang matapos sumumpa sa tungkulin si Aquino, puu-puo ang nasaktan at 42 ang inaresto sa marahas na pagbuwag ng mga awtoridad sa kampuhan ng mga magsasaka at mga tagasuporta nila ilang hakbang lamang mula sa Malacanang. Ang kampuhan ay isinagawa upang ihapag ang mga iginigiit ng mga magsasaka sa bagong administrasyon, tampok ang matitingkad at sariwang mga kaso ng pangangamkam at kawalang-lupa gaya ng sa mga Hacienda sa Luisita, Looc at Yulo. Ang bagong administrasyon ay di pa rin nariringgan ng anumang pagkondena sa mga ekstrahudisyal na pagpatay sa di bababa sa 12 magsasaka sa loob lamang ng 100 araw nito.

Ang tangkang ipangalandakan ang ‘compromise deal’ sa Hacienda Luisita sa pagitan ng mga Cojuangco-Aquino at ‘mga kinatawang magsasaka at manggagawang-bukid’ – bilang ‘solusyn’ sa kontrobersya sa Luisita ay bigo sa anumang pamantayan. Ang kasunduan ay walang panalo para sa mga magbubukid na binigyan ng pagpipilian sa pagitan ng pagyakap sa stock distribution option (SDO) bilang mga ‘may-ari ng sapi’ na pawang barya pa lamang ang natatanggap – o pagtanggap ng kapirasong lupa mula sa 33% ng hacienda na hahati-hatiin sa libu-libong magbubukid at manggagawang-bukid.

Kayat ang pagharap sa pangunahing panawagan ng tunay na repormang agraryo ay di lamang wala sa larawan makalipas ng unang taon ng CARPer. Kahit ang malamyang implementasyon nitong butas-butas na pinahabang batas sa reporma sa lupa ay nagpapakita ng maka-may-ari ng lupa’t kontra-magsasakang balangkas nito.

Bayad sa may-ari ng lupa

Ang pagkiling ng CARPer sa mga may-ari ng lupa ay nasa tradisyon ng mga nakaraang programa sa reporma sa lupa na nakatungtong sa paniniwalang sila ay karapat-dapat gawaran ng ‘makatarungang bayad’ kapalit ng pagpapamahagi ng lupa, imbes na ipamahagi nang libre kapwa ang hawak nilang lupain at lahat ng iba pang yamang rural nang buong-katarungan sa mga magsasaka na malaon nang nagbubungkal at nagpapayaman sa lupa. Mula 1972-2008, P289 bilyon na ang natanggap ng mga may-ari ng lupa bilang kabayaran para sa 1,619,513 ektarya sa pamamagitan ng mga programang ito para sa reporma sa lupa. Ang karagdagang 19,133 ektaryang dapat bayaran ng Land Bank of the Philippines ay naipamahagi na mula Enero 2009 hanggang Hunyo 2010.

Ang katangian ng programang kinambalan ng kawalan ng determinasyong pulitikal para sa tunay at mapagpamahaging repormang agraryo ay nagresulta sa rekisito para sa ‘makatarungang kabayaran’, na lumikha naman ng mga kundisyon para bumagal at mabaligtad ang reporma sa lupa. Ang palagiang kakulangan ng pondo para sa repormang agrary sa pambansang badyet ay nagsanhi rin ng pagkupad ng muling pagpapamahagi ng lupa nang ilang dekada.

Malala pa, ang matagalang implementasyon ay nagbigay pa sa mga may-ari ng lupa na humanap, makalikha at samantalahin ang mga butas sa programa at gayon ay ikutan ang reporma sa lupa.

Sa ilalim ng CARPer, ang rekisitong paunang-bayad para sa gayong kabayaran ay itinaas pa mula 25% hanggang 50%.

Kailangan ng testimonya ng may-ari ng lupa

Inoobliga rin ng CARPer na magkaroon ng testimonya ng may-ari ng lupa na ang mga target na benepisyaryong magsasaka ay tunay ngang nagtrabaho sa tinutukoy na lupain bago mabigyan ng titulo. Ayon sa datos mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), hanggang Hulyo 2010, 106 may-ari ng lupa sa buong bansa ang tumangging magbigay ng testimonya sa mga kasama, umuupa o manggagawang-bukid o may nakaambang protesta sa 3,318.4 ektarya ng lupang tinatarget para sa 1,602 na mga Agrarian Reform Beneficiary (ARB). Naobserbahan mismo ni Dominador Andres, Pangalawang Kalihim ng DAR, na ang ganitong nagpapatuloy na pagtutol mula sa mga may-ari ng lupa ay malaking problema na sasagka sa target na pagkumpleto ng pagpatupad ng CARPer sa loob ng limang taon.

Higit pa, 5,703.1 ektaryang minamay-ari ng 54 panginoong may-lupa at tinatarget para sa 2,703 mga ARB ay nakalista sa DAR bilang mga ‘problematikong lupain’ na may alitan sa lupa, dagdag pang mga kaso ng pagbawi ng mga emancipation patent at certificate of land ownership award, at mga kriminal na kasong isinampa ng mga may-ari ng lupa laban sa mga magbubukid, gayundin ang sari-saring kumplikasyon sa pag-kontak sa mga may-ari ng lupa, paghanap ng mga marka, pagpresyo sa lupa ng Land Bank of the Philippines at paglipat ng titulo ng mga lupain sa pangalan ng maraming gustong ariin ang mga ito.

Nananatiling talamak ang pag-ikot sa pamamahagi ng lupa

Sa 2010 ulat nito, iniulat ng DAR na ang naabot ng pamamahagi nito ng lupa mula 1972-Hunyo 2010 ay umabot na sa 4,183,524 ektarya o 81% ng target. Sa unang taon ng CARPer, 64,329 ektarya o 39.5% ng 163,014 target na ektarya ang naipamahagi.

Noong nakaraang taon, ang mga ‘breyktru’ sa pamamahagi ng lupang inihalimbawa ng DAR ay sinabing dahil sa pagpatupad ng CARPer at ‘panunumbalik ng compulsary acquisition (CA) sa nangungunang papel nito’. Subalit idinaing ni Anakpawis Partylist Representative Rafael Mariano na sa parehong ulat ng DAR, 1,777 ektarya lamang o 4% ng 42,428 ektarya ng pribadong lupa ang naipamahagi sa pamamagitan ng CA.

Mula Enero-Hunyo 2010, sa 17,501 ektaryang naipamahagi, 1,061.51 ektarya lamang o 6% ang ipinamahagi sa pamamagitan ng CA. Samantala, ang luang naipamahagi gamit ang voluntary offer to sell (VOS) na moda – na kayang gamitin ng mga may-ari ng lupa sa bentahe nila sa pamamagitan ng pagdikta ng presyo – ay sumaklaw sa mas malaking 7.7% o 1,340.44 ektarya. Ang lupa namang naipamahagi gamit ang voluntary land transfer (VLT) na moda – na nagagamit ng mga may-ari ng lupa upang manatiling hawak ang kanilang lupain sa pamamagitan ng pagpili kung kanino ililipat ang pag-aari nito – ang sumaklaw sa pinakamalaking porsyento sa 40.7%o 7,119.14 ektaya, na lahat ay mga lupaing higit 50 ektarya. Ipinapakita nitong sa ilalim ng CARPer, naikutan ng mas malalaking panginoong may-lupa ang tunay na distribusyon ng lupa.

Gayundin, sa ilalim ng pinahabang batas, ni isang kaso ng mga iskemang di-naglilipat ng lupa – hindi ang ‘stock distribution option’ sa Hacienda Luisita, o ang ‘corporative scheme’ ng Eduardo Cojuangco Jr. & ons Agricultural Enterprises Inc. sa Negros Occidental, o ang ‘cooperative scheme’ sa pagitan ng San Miguel Corporation at ng Valley Planters Development Cooperative sa Isabela ni ang iba pang ‘stock-sharing’ na iskema sa Ilo-ilo at Davao – ang itinigil.

Kumbersyon tungo sa di-agrikultural na gamit at ganansyang multinasyunal

Sa ilalim ng CARPer, ang kumbersyon sa daan-daan hanggang libu-libong ektarya ng lupang agrikultural tungo sa di-agrikultural na gamit ay nagpapatuloy. Isinasapanganib nito ang kabuhayan ng libu-libong pamilyang magbubukid gayundin ang seguridad sa pagkain ng bansa. Kabilang rito ang 200 ektarya ng pagmamay-ari ng mga Araneta na lupa para sa proyektong MRT7 sa Tungkong Mangga, San Jose Del Monte, Bulacan at ang 375 ektarya ng palayan at taniman ng mga prutas at gulay para sa Green Earth Heritage Foundation at cash crops na pang-eksport ng mambabatas na si Luis Villafuerte. Isang kasong pagsusulit para sa bagong administrasyon kung papaano nito tatanganin ang bagong aplikasyon para ipalit-gamit ang 157 ektarya ng tubuhang Hacienda Bacan tungo sa gamit industriyal kahit na napailal noon pang 2001. Ipinangako pa nga ni Gloria Macapagal Arroyo, na kabilang sa pamilyang nagmamay-ari sa Hacienda Bacan, na ipamamahagi ang mga lupain ng hacienda sa 67 benepisyaryong magsasaka.

Nanatili rin sa CARPer ang prubisyon ng CARP na pumapayag sa mga korporasyong multinasyunal na kontrolin at paganahin ang mga lupaing agrikultural ng bansa sa pamamagitan ng pag-upa, pangangasiwa, o mga kontratang pagpapalago o serbisyo sa haba ng 25 taon at maaari pang muling mapayagan sa dagdag na 25 taon. Sa kaso ng mga transnasyunal na kumpanya gaya ng Dole at Del Monte, 220,000 ektarya ng agrikultural na lupain sa Mindanao ang nakalaan sa produksyong eksport at nakahanda para sa ibayong pagpapalawak.
Napansin rin ni Rep. Mariano ang kalabuan ng istatus ng isang kumprehensibong sistemang imbentaryong kaayon ng national land use plan, na inasayn ng CARPer ang DAR na iborador sa unang taon ng implementasyon ng pinahabang batas. Sinabi niyang ang probisyon ay lalong nagpapakitid sa saklaw ng CARPer gayong maliban sa mga lupang nireklasipika mula agrikultural tungong di-agrikultural sa ilalim ng DOJ Opinion No. 44 hanggang Hunyo 15, 1999, lahat ng lupang nireklasipika mula noon hanggang Agosto 2010 ay maaaring di na masaklaw ng CARPer.

Walang-kapasyahang implementasyon

Sa kabila ng mga tangka ng mga mambabatas na nagsulong ng CARPer na ilako ang pinahaba’t nirepormang CARP, ang probisyon para sa paglikha ng Congressional Oversight Committee on Agrarian Reform (COCAR) ay hindi pa naipatutupad. Pinangungunahan ng mga Pinuno ng mga komite para sa Agrarian Reform ng parehong dibisyon ng Kamara, ang COCAR ay naging mahalaga sana sa pagrekomenda at pagsubaybay sa takbo ng pagtukoy at pagpamahagi ng lupa sa ilalim ng CARPer.

Ang di pag-establisa ng gayong batayang grupo sa anumang hakbang na may kasing-taas na pambansang halaga gaya ng repormang agraryo ay isa na namang malungkot na palatanda ng kalabuan ng isang malakas na tulak para sa tunay na reporma sa lupa mula sa lehislatibong sangay ng bansa na kasalukuyang nadodominahan ng mga panginoong may-lupa.

Ang dambuhalang tulak para sa tunay na progresibong reporma sa lupa ay maaari lamang manggaling sa hanay ng mga magsasaka at magbubukid na, sa mga nakalipas na henerasyon at siglo, ay nagpursige upang labanan ang kawalang-lupa sa gitna ng puspusang pagbubungkal at pagpapayaman ng lupa. Makakatulong para sa lehislatura at mamamayan ang pagsasaalang-alang sa pagtalakay ng Genuine Agrarian Reform Bill na itinutulak ng maraming grupo ng mga magsasaka at mga kaugnay nila bilang alternatibo sa CARPER, na pagkalipas ng isang taon ay inilantad ang tunay na kulay nito bilang yaong itinutulak ng mga panginoong maylupa, batbat-ng-butas, at pinalamutiang CARP. Lathalaing IBON

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: