ibonreads

Madidilim na pamana: ang ekonomya sa ilalim ni Arroyo

In Filipino, IBON Features on June 15, 2010 at 5:57 am

Ang kaliga-ligalig na pagkakaiba sa pagitan ng kayamanan ng iilan at kagalingan ng marami ang pinakanakapag-aalalang pamana na iniiwan ng panguluhang Arroyo – at kabilang sa pinakadambuhalang hamon na kailangang harapin ng papasok na administrasyon kung maghahatid ng anumang tunay na pagbabago.

Ni Sonny Africa

Lathalaing IBON – Maaalala ang administrasyong Arroyo sa pagkapabaya sa mga mahahalagang hakbang sa pag-unlad at pagsuong sa harap ng pag-unlad ng ekonomya. Mas malala ang kalagayan ng mga Pilipino ngayon kaysa nang manungkulan si Pangulong Gloria Macapagal-arroyo siyam na taon na ang nakararaan.

Nasa pinakamataas na tantos ang disempleyo, bumagsak ang tunay na kita ng sambahayan, tumaas ang insidente ng kahirapan, lulala ang di-pagkakapantay-pantay, at natulak palabas ng bansa ang pinakamaraming Pilipino sa kasaysayan. Ang mga pag-asa’y naunsyami ng tuluy-tuloy na pagguho ng lokal na manupaktura at agrikultura, ng mabilis na lumalalim na krisis pampinansya, at pabigong mga patakaran sa pandaigdigang kalakal at pamumuhunan. Samantala, nagpatuloy sa substansyal na pagyabong ang tubo ng pinakamalalaking korporasyon sa bansa at ang kayamanan ng pinakamayayaman nitong pamilya.

Ang kaliga-ligalig na pagkakaiba sa pagitan ng kayamanan ng iilan at kagalingan ng marami ang pinakanakapag-aalalang pamana na iniiwan ng panguluhang Arroyo – at kabilang sa pinakadambuhalang hamon na kailangang harapin ng papasok na administrasyon kung maghahatid ng anumang tunay na pagbabago.

Binigyang-puri ng administrasyong Arroyo ang paglago ng ekonomya sa termino nito – na tinawag na pinakamahusay sa nakalipas na 30 taon – bilang ginintuang pamantayan ng gawain nito. Nag-abereyds sa 4.5% taun-taon ang upisyal na iniulat na pag-unlad sa gross domestic product (GDP) sa ilalim ng administrasyong Arroyo (2001-2009) kumpara sa 3.9% sa ilalim ni Aquino (1986-1991), 3.8% sa ilalim ni Ramos (1992-1997) at 2.4% sa ilalim ni Estrada (1998-2000). Lumapad ang ekonomya nang 47.2% sa totoong termino mula 2001. Subalit nagsasalita para sa sarili nila ang mga resulta.

Tumitinding disempleyo at kahirapan

Ang panahong 2001-2009 ang pinakamahabang panahon ng mataas na disempleyo sa kasaysayan ng bansa kung saan ang tunay na tantos ng disempleyo ay nag-abereyds ng mga 11.2% (tinatama ang di pagbilang ng gubyerno sa milyun-milyong walang-trabahong Pilipino bilang ‘unemployed’ mula 2005). Ang bilang ng walang-trabaho at kulang-sa-trabahong Pilipino ay tumaas sa 11.4 milyon noong Enero 2010 na 3.1 milyong higit kaysa sa noong Enero 2001, nang manungkulan si Pang. Arroyo. Ang 4.3 milyong walang-trabahong Pilipino bandang Enero ay pagtaas nang 730,000 mula sa siyam na taong nakararaan; ang 7.1 milyong kulang-sa-trabaho ay 2.4 milyong mas marami.

May mga 877,000 trabahong nalikha taun-taon mula Enero 2001 para umabot ng 36 milyon noong Enero 2010. Subalit napakahina ng kalidad ng mga trabahong nalikha: 3.8 milyon ay “di-bayad na nagtatrabaho sa pamilya” (585,000 na pagtaas mula Enero 2001), 12.1 milyon ang “mga may-trabaho sa sariling puhunan” – mas yaong mga nasa impormal na sector (1.6 milyong pagtaas), at mga 12.6 miyon ang “mga manggagawang sumusweldo” subalit walang nakasulat na kontrata. Ang bilang sa trabahong di-pultaym ay tumaas nang 3.8 milyon at naging 12.3 milyon nitong Enero at ngayo’y bumibilang nang isa sa tatlong trabaho.

Tumaas ang insidente ng kahirapan kahit sa mababang upisyal na linya ng kahirapan ng gubyerno. Ang bilang ng mga mahihirap na pamilya ay tumaas nang 530,642 o 13% mula 2,000 at umabot sa 4.7 milyon noong 2006. Ang bilang ng mahihirap na Pilipino ay tumaas nang 2.1 milyon sa loob ng parehong panahon at umabot sa 27.6 milyon. Subalit ang upisyal na linya ng kahirapan ay P42 kada tao kada araw lamang noong 2006 na nakabibili lamang ng isang kilo ng bigas at isang itlog ng manok; ang mas mataas na hangganan ng P86 ay dumodoble pa sa bilang ng Pilipinong nabibilang sa mahihirap.

Sa gayon, bumagsak ang tunay na kita ng mga sambahayan sa abereyds na 20% sa lahat ng nasarbey na tahanan mula 2000 hanggang 2006 – ang nakarekord na 19% taas sa nominal income sa panahong iyon ay madaling nabawi ng 38% pagtaas sa mga presyo. Ang pinakabagong datos sa kahirapan ay para sa 2006 kayat ang padron na ito ay naganap matagal pa bago ang kaguluhang pandaigdig at mga natural na kalamidad mula 2008 na lalo lamang magpapalaki sa mga numero.

Lumalaking di-pagkakapantay-pantay

Nananatiling masahol ang mg di-pagkakapantay-pantay sa bansa. Noong 2006, ang netong halaga ng 20 pinakamayayamang Pilipino lamang – kabilang ang malalapit na alyado ng mga Arroyo na sina Lucio Tan, Enrique Razon, Jr., Eduardo Cojuangco, Enrique Aboitiz at iba pa – a P801 bilyon (US$15.6 bilyon) na katumbas na ng pinagsama-samang kita sa taong iyon ng pinakamahihirap na 10.4 milyong pamilyang Pilipino.

Ang netong kita ng Top 1,000 na korporasyon sa bansa ay tumaas mula P116.4 bilyon noong 2001 hanggang sa abereyds na P416.7 bilyon taun-taon sa panahong 2002-2008. Sa kabilang banda, nagisnan ng mga manggagawa ang pinakamaliit na pagtaas sa kanilang tunay na sahod sa ilalim ng administrasyong Arroyo kumpara sa iba pang gubyerno mula noong panahon ng diktadurang marcos. Tumaas nang P5 lamang ang minimum na sahod sa NCR sa tunay na halaga sa loob ng halos isang dekadang panunungkulan ni Arroyo kumpara sa P82 noong panahon ni Aquino, P16 noong panahon ni Ramos, at P22 ni Estrada (ang mga pigura ay inadyas ayon sa inflation batay sa mga presyo noong 2000).

Ang ipinangalandakang pag-unlad sa ekonomya ay nakakonsentra nang husto sa Metro Manila na nagtaas ang bahagi sa GDP ng bansa mula 30.9% noong 2001 na umabot sa 33.0% o sangkatlo ng pambansang ekonomya noong 2008. Ito ay sa kapinsalaan ng 10 iba pang rehiyon na bawat isa’y bumagsak ang bahagi sa GDP – Cordillera, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Southern Tagalog, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, ARMM at CARAGA. Dalawang ibang rehiyon lamang, ang Northern Mindanao at SOCCSKSARGEN, ang bawat isa’y tumaas nang 1% ang bahagi sa GDP.

Nagsanhi itong ibayong lumaki ang pagkakaiba-iba sa kita. Noong 2001 ang kita kada tao sa Metro Manila, ang pinakamayamang rehiyon, ay walong (8) beses kaysa sa pinakamahirap na rehiyong ARMM. Pagdating ng 2008, ang kita kada tao sa Metro Manila ay naging 12 beses kumpara sa ARMM.

Gumuguhong produksyong lokal

Gumuho ang mga batayan para sa pagmomodernisa ng ekonomya. Bumagsak ang bahagi ng manupaktura sa GDP sa 21.8% noong 2009 o kasing-liit ng bahagi nito noong 1950s. Lumikha lamang ang sector ng 15,370 trabaho taun-taon mula Enero 2001 na umabot nang 3 milyon noong 2010. Kabaligtaran, pitong beses na mas maraming trabahong pang-kasambahay ang nalikha sa loob ng parehong panahon – 107,730 ang nadagdag kada taon na umabot sa 2.1 milyon noong nakaraang Enero. Malapit nang mapantayan ng bilang ng mga kasambahay sa bansa ang bilang ng mga manggagawa nito sa manupaktura.

Numipis naman sa 18.1% ng GDP ang sektor ng agrikultura o sa pinakamaliit nitong bahagi sa kasaysayan ng bansa. Sa nakaraang siyam na taon, 172,600 trabahong agrikultural lamang ang nalikha na umabot sa 11.8 milyon nitong Enero, na karamiha’y mababa – o wala man lamang – sahod. Nananatili ang kahirapan sa kanayunan, bukod sa iba pang dahilan, dahil sa mabagal na takbo ng repormang agraryo: ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng administrasyong Arroyo ay nakapagpamahagi lamang ng abereyds na 119,301 ektarya taun-taon (2001-2008) na mas maliit kaysa sa ilalim ni Estrada (121,274 ha), Ramos (296,395 ha) at Aquino (169,063 ha).

Ang paghina ng lokal na manupaktura at agrikultura ay mainam na paliwanag sa matumal na pagkalikha ng mga trabaho. Binibigyang-diin din kung papaano mula 2001-2009 napwersang mangibang-bansa ang pinakamaraming Pilipino sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang pagpapangibang-bansa sa ilalim ng administrasyong Arroyo ay nag-abereyds nang 1.04 milyon taun-taon kumpara sa 469,709 (Aquino), 713,505 (Ramos) at 839,324 (Estrada); 1.42 milyon ang nadeploy noong nakaraang taon na katumbas ng halos 3,900 Pilipinong umaalis araw-araw. Ang labis na pagsandig ng bansa sa mga remitans ay umabot sa pinakamatataas na antas sa ilalim ni Arroyo at, noong 2005, ay umabot sa pambihirang antas na katumbas ng 10% ng GDP.

Ang pagguho ng pambansang produksyon ay sumasanhi rin ng labis na pag-depende sa mga panlabas na mapaghuhugutan ng pag-unlad – laluna ang trabaho sa labas ng bansa, pero tulad rin ng mababang-halagang pagmamanupaktura para sa eksport at business processing outsourcing (BPO). Subalit ang mga aktibidad na ito sa esensya ay hindi kaugnay ng pambansang ekonomya at hindi nakakapag-ambag sa anumang malawakang-saklaw na dinamismong pang-ekonomya. Halimbawa, ang mga BPO ay ipinangalandakang mabilis na lumalago mula 5,000 empleyado at US$56 milyong kita noong 2001 papuntang 442,164 empleyado at  US$7.2 bilyong kita noong 2009. Subalit ang sektor ay babahagyang bahagi lamang ng ekonomya at noong 2001 ay 1.3% lamang ng kabuuang empleyo at 2% lamang ng GDP.

Mga suliraning piskal

Malinaw ring walang ginawa upang harapin ang mga ugat na sanhi ng mga problemang piskal ng bansa. Lalabas ang administrasyong Arroyo sa pinakamatarik na pagtaas ng depisito ng pambansang gubyrno sa kasaysayan ng bansa– P286 bilyon o 2,300% na pagtaas sa loob lamang ng dalawang taon mula P12.4 bilyon noong 2007 hanggang P298.5 bilyon noong 2009. Ito’y bukod pa sa pinakamasasama nang depisito sa pinagsama-samang depisito ng pambansang gubyerno ng P1.35 trilyon sa loob ng 2001-2009 o higit pa sa triple ng pinagsama-samang mga depisito ng mga administrasyong Aquino, Ramos at Estrada (P422 bilyon).

Nagpapamana rin ito ng mabigat na pasaning utang na umabot na sa P4.36 trilyon noong Pebrero 2010, o higit doble ng P2.17 trilyong utang na namana mula sa gubyernong Estrada. Epektibo nang umutang nang P243 bilyon taun-taon ang administrasyong Arroyo mula nang manungkulan. Ito’y matapos pang mabayaran ang P5.1 trilyon sa pagseserbisyo ng utang mula 2001-2009 na halos triple ng P1.8 bilyong pinagsama-samang bayad-utang sa loob ng 15 taon ng mga administrasyong Aguino, Ramos at Estrada.

Halos hindi makahabol ang pagsisikap sa pagbubuwis ng gubyerno sa nominal na pag-unlad sa gross national product at ang mga hakbang na panakip-butas lamang – gaya ng ratsadang pribatisasyon – kabilang ang pagbebenta noong 2007 ng kasing-laki ng benta sa nakaraang 15 taon ng tatlong administrasyon – ang pansamantalang nagpamukhang nasa lugar naman ang mga repormang piskal.

Ginawang lalong regresibo ng administrasyong Arroyo ang sistema sa pagbubuwis ng bansa, pinapasan ito sa mahihirap (gaya ng RVAT) at pinagaang ang pasanin ng mga may kakayahan naming magbayad (gaya ng pagpapababa ng buwis sa kita ng mga korporasyon). Samantala ang pinakamahahalagang pinagmumulan ng problema sa depisito ay hindi hinarap: korapsyon at katiwalian, liberalisasyon sa kalakal, mga insentiba sa dayuhang pamumuhunan, di-produktibong pagbabayad-utang at lumobong gastusing-militar.

Mga pagkakamali sa patakaran

May mga pandaigdigang pangyayari nitong mga nakaraang taon na labas sa kontrol ng administrasyon. Gayunman, naroon na ang mga suliranin bago pa nito – mahinang pag-unlad sa trabaho, pagbagsak ng manupaktura, mababang kita sa kanayunan, at lumolobong impormal na ekonomyang serbisyo. Ang mga suliraning ito ay hindi pangunahing dahil sa sunud-sunod na krisis sa pagkain, langis at pinansya kundi dahil sa mga maling patakaran sa ekonomya.

Itinulak ng administrasyong Arroyo ang estratehiyang pang-ekonomya na itinindig sa mga patakarang ‘malayang pamilihan’ ng globalisasyon – pag-alis ng sagka sa kalakal, pagtanggal ng kontrol sa pamumuhunan, pagsapribado ng mga pampublikong gamit at serbisyong panlipunan, deregulasyon, at tuluy-tuloy na pagbabayad-utang. Itong masasaklaw na hakbang na ito ang pinakamalalaking salik sa likod ng masahol na suliraning pang-ekonomya ng bansa at kinakailangang mabaligtad upang magkaroon ng pag-asang madirehe ang ekonomya patungo sa tunay na pag-unlad na panlipunan. Kahit ang korapsyon, na tunay naming lumala, ay hindi nakalikha ng gayong kapinsalaan.

Agresibong niligawan ang mga dayuhang mamumuhunan at inengganyo ng galanteng mga insentiba, pati ng kalayaang kumilos nang halos walang obligasyong mag-ambag sa pag-unlad ng pambansang ekonomya. Ang mga imprastruktura sa transportasyon, kuryente at tubig ay itinatag pangunahin para pagsilbihan ang pangangailangan ng malalaking dayuhan at lokal na interes sa negosyo.

Ang mga kasunduan gaya ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) at sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), World Trade Organization (WTO) at iba pa ay pinasok. Itinulak pa ng gubyerno na isarado ang isang kasunduan ng malayang kalakal sa United States (US). Lahat ito’y ginawang lalong bulnerable ang Pilipinas at mas nakabulatlat higit kailanman sa ekonomyang global. Sinasagkaan din ng mga ito ang makabuluhang pagsulong sa pamamagitan ng paghadlang sa makabayang pagklikha ng mga patakarang pang-ekonomya.

Pagbabaligtad ng pamana

Ang pamanang pang-ekonomya ng administrasyong Arroyo ang magiging pinakamalaking hadlang sa anumang pagsisikap na pabutihin ang kalagayan ng mamamayan. Subalit bagaman mabigat, hindi ito imposibleng maabot. Lamang, ang pagtakda ng direksyon patungo sa tunay, sustenable at matibay na pag-unlad sa ekonomya para sa bansa ay nagsisimula sa pagkilala sa mga realidad na ito at pagkilala sa batayang kahinaan ng pambansang ekonomya. Kailangan ding tanggapin na ang pag-depende sa pamilihan, remintans, mga pribadong korporasyon, at dayuhang mamumuhunan na kusang maghatid ng pag-unlad ay isang malaking pagkakamali.

Kailangang magkaroon ng pag-amin na ang mga patakarang pang-ekonomya ng nakaraan ay bigo at na kinakailangan ng masinsing pagbagbago. Kailangang magkaroon ng higit na pagbibigay-diin sa pagpapanday ng solidong pundasyon ng pambansang ekonomya kaysa sumandig sa panandalia’t pansamantalang mga hakbang, di-sustenableng pagpipinansya o eksternal na mapagmumulan ng paglago. Ang makabuluhang pagbabaha-bahagi ng kita at yaman ay matagal nang dapat naisagawa. Dapat harapin ang korapsyon, subalit gayundin ang mga patakaran ng globalisasyon na nagresulta sa higit pang di-demokratikong ekonomya na ang mga rekurso at benepisyo ay nakokopo ng iilan. Laluna, kailangan ng progresibong pamumuno upang mabaligtad ang madidilim na pamana ng palabas na administrasyong Arroyo. Lathalaing IBON

PAGSUSUMA: PANG-EKONOMYANG PAGGANAP NG PANGUNGULONG ARROYO

Mga target mula sa State of the Nation Address ni Pres. Gloria Macapagal Arroyo, Hulyo 23, 2001 Aktwal na pagganap, 2001-2009
“Malinaw ang hamon sa atin: sugpuin ang kahirapan.”
  • 530,642 pagtaas sa bilang ng mahihirap na pamilya mula 2000 at 2006 – sa 4.7 milyong mahihirap na pamilya noong 2006 (NSCB, gamit ang mababang upisyal na hangganan ng kahirapan
  • 2.1 milyong pagtaas sa bilang ng mahihirap na Pilipino mula 2000 at 2006 – sa 27.6 milyon noong 2006 (NSCB, gamit ang mababang upisyal na hangganan ng kahirapan)
  • Samantala ang netong kita ng Top 1000 korporasyon sa Pilipinas ay tumaas mula P116.4 bilyon noong 2001 sa abereyds na P416.7 bilyon taun-taon sa panahong 2002-2008 (BW)
  • Noong 2006, ang netong halaga ng 20 pinakamayayamang pamilyang Pilipino lamang – kabilang ang mga malalapit na alyado ng pamilyang Arroyo na sina Luio Tan, Enrique Razon Jr., Eduardo Cojuangco, Enrique Aboitiz at iba pa – ay P801 bilyon (US$15.6 bilyon), na katumbas ng pinagsama-samang kita sa taon ng pinakamahihirap na 10.4 milyong pamilyang Pilipino (Forbes Asia, NSCB)
“Ang paraan para labanan ang kahirapan ay lumikha ng trabaho, hindi sirain ang mga ito.”
  • Ang panahong 2001-2009 ang pinakamahabang panahon ng mataas na disempleyo sa kasaysayan ng bansa – ang tuunay na tantos ng disempleyo ay nag-abereyds sa 11.2 % (pag-eestima ng IBON gamit ang datos ng NSO)
  • May 730,000 pagtaas sa walang-trabahong Pilipino mula Enero 01 na umabot sa 4.3 milyon noong  Enero 10 (NSO)
  • Ang pinagsamang disempleyo at kakulangan ng trabaho ay tumaas nang 3.1 milyon mula Enero 01 na umabot sa 11.4 milyon noong Enero 10 (pag-eestima ng IBON gamit ang datos ng NSO)
  • May 877,000 trabahong nalikha taun-taon mula Enero 01 (28.1 milyon) na umabot sa 36 milyong “may trabaho” noong Enero 10: 3.8 milyon ang “walang-bayad na nagtatrabaho sa pamilya” (585,000 pagtaas mula Enero 01), 12.1 milyon ang “may trabaho mula sa sariling puhunan”, pangunahin sa impormal na sektor (1.6 milyong pagtaas), at may 12.6 milyong “manggagawang sumasahod” subalit walang nakasulat na kontrata (NSO at pag-eestima ng IBON gamit ang datos ng NSO)
  • Ang panahong 2001-2009 ay kinakitaan ng pinakamaraming Pilipino sa kasaysayan ng bansa na napwersang mangibang-bayan upang maghanap ng trabaho – ang mga paglabas ay nag-abereyds sa 1.04 milyon taun-taon kumpara sa 469,709 (Aquino), 713,505 (Ramos) and 839,324 (Estrada); 1.42 milyon ang lumabas noong nakaraang taon o 3,898 Pilipinong umaalis araw-araw (POEA). May mahigit 9 milyong Pilipinong napwersang maghanap ng trabaho sa ibang bansa (DFA-CFO)
“Dapat din tugunan ang karaingan ng madla sa mahal na bilihin at kulang na sahod.” I * Ang agwat sa pagitan ng minimum na sahod sa NCR at sahod na kailangan para mabuhay ang isang pamilya ay dumoble sa P550 (minimum na sahod sa NCR ay P404 at ang tantsang sahod na kailangan para mabuhay ang isang pamilya ay P957 noong Hunyo 2010) mula sa P257 lamang noong 2001 (minimum na sahod sa NCR ay P252 at ang sahod na kailangan para mabuhay ang isang pamilya ay P509). (DOLE, NWPC)

  • Ang administrasyong Arroyo ay nagkaroon ng pinakamaliit na pagtaas sa tunay na sahod ng mga manggagawa sa tunay na termino o mga P5 lamang sa loob ng siyam at kalahating taon nito kumpara sa P82 sa panahon ni Aquino, P16 ni Ramos, at P22 ni Estrada (ang pigura ay inadyas-sa-implasyon batay sa mga presyo noong 2000). (IBON)
“Kung piskal na sektor ang pag-uusapan, kokontrolin natin ang depisito sa badyet sa pamamagitan ng masigasig na pagkolekta ng buwis at mas matamang paggastos ng salapi.”
  • Ang naipong depisito ng pambansang gubyerno mula 2001 hanggang 2009 ay P1.34 trilyon o higit pa sa trinipleng pinagsama-samang depisito ng mga administrasyong Aquino, Ramos at Estrada (P422 bilyon). (BTr)
  • Ang administrasyong Arroyo ay nagbayad ng P5.1 trilyong utang mula 2001-2009 – na triple ng P1.8 bilyong bayad-utang sa loob ng 15 taon sa ilalim ng pinagsama-samang administrasyon nina Aquino, Ramos at Estrada (BTr)
  • Subalit patuloy na tumaas ang tang sa P4.36 trilyon nitong Pebrero 2010 na higit pa sa doble ng P2.17 trilyong utang na namana sa gubyernong Estrada. Ang administrasyon kung tutuusin ay umutang ng karagdagang P243 bilyon taun-taon mula nang manungkulan (Btr)
“Panlipunang pagkiling sa higit na api upang balansehin ang plano para sa pang-ekonomyang pag-uload. Pagkalinga sa mga bahagi ng lipunan na naiwanan ng kaunlaran.
  • Ang administrasyong Arroyo (2001-2009) ay naglaan lamang ng 15.1% ng pambansang badyet sa edukasyon na mas mababa pa kaysa sa ilalim ni Estrada (18.7%) at Ramos (15.5%) bagaman higit kay Aquino (12.3%) (DBM)
  • Sa kalusugan, naglaan ito ng 1.8% lamang ng pambansang badyet na mas mababa kaysa sa ilalim ni Estrada (2.4%) at Ramos (2.6%) at Aquino (3.1%). (DBM)
  • Sa pabahay, naglaan ito ng .4% lamang ng pambansang badyet na mas mababa kaysa kay Estrada (0.8%) at Ramos (0.6%) habang mas mataas kaysa kay Aquino (.1%) (DBM)
  • Nitong 2010, ang administrasyong Arroyo ay gumastos lamang ng P7 kada Pilipino kada araw sa edukasyon, P1 sa kalusugan at 16 sentimos sa pabahay – habang nagbabayad ng katumbas na P22 sa bayad-utang (komputasyon ng IBON sa datos ng DBM)
“Pataasin ang tsansa ng mga batang Pilipino na makatapos ng paaralan… (karunungan) para sa masa.”
  • Ang bilang ng mga bata at kabataang di nag-aaral ay tumaas  nang 2.45 milyon sa pagitan ng taong pampaaralang 2000-01 at 2008-09 – na kinabibilangan ng dagdag na 1.62 milyong batang edad 7-12 at karagdagang 822,097 mga batang 13-16 ang edad – na umaabot sa kalakha’y 4.69 milyon (DepED)
  • Ang bilang ng edad-elementaryang mga bata na di nag-aaral ay tumaas nang 1.62 milyon sa pagitan ng taong pampaaralang 2000-01 at 20008 -09 – sa suma total na 4.69 milyon (DepED)
  • Ang bilang ng edad-hayskul na di-nag-aaral ay tumaas nang 822,097 sa pagitan ng taong pampaaralang 2000-01 at 2008-09 na may suma-total na 2.66 milyon.
  • 1.95 milyon sa mga bata at kabataang ito – na kinabibilangan ng 1.59 milyong edad-elementaryang mga bata at 360,000 ng mga edad-hayskul na mga bata – ay direktang dahil sa paghina ng tantos ng partisipasyon sa panahon ng administrasyong Arroyo. (komputasyon ng IBON sa datos ng DepED). Bumagsak ang tantos ng partisipasyon ng paaralang elementary mula 96.8% sa taong-pampaaralang 2000-01 sa 85.1% noong 2008-09; ang tantos ng partisipas yon ng hayskul ay bumagsak mula 66.1% sa 60.7% sa parehong panahon (DepED)
“Maaaring magkaroon ng milyun-milyong bagong trabaho sa agriklutura at mga palaisdaan [sa loob ng taon]… di ko nais na ang isang milyong bagong trabaho ay dumating sa loob pa ng mahabang panahon.”
  • Ang mga trabaho sa sektor ng agrikultura na nalikha ay nasa abereyds lamang ng 172,600 taun-taon sa nakaraang siyam na taon – mula 10.25 milyon noong Enero 01 hanggang 11.81 milyon nitong Enero-10 (NSO)
  • Bumagsak sa pinakamaliit na bahagi ng gross domestic product (GDP) ang sa kasaysayan ng bansa ang sektor ng agrikultura.
“Sisikapin nating magkaroon ng rice self-sufficiency.”
  • Tumaas ang inangkat na bigas sa 220% mula 754,328 tons noong 2001 sa rekord na 2.4 milyong tonelada noong 2008, nang 1.7 milyon pang higit noong 2009 (NFA)
“Murang bigas at masaganang magsasaka.”
  • Ang presyo ng bigas ay tumaas nang 75%  mula 2001 hanggang 2009: ng regular milled na bigas sa P30.69 kada kilo (mula P17.54) at well-milled na bigas sa P34.12 kada kilo (mula P19.43). Ang nominal na minimum na sahod naman ay tumaas lamang nang 62% sa pagitan ng 2001 at Hunyo-10 (DA, NWPC)
“Bawat taon, mamamahagi ang gubyerno ng dalawandaang libong ektarya para sa reporma sa lupa: 100,000 na pribadong lupa at 100,000 ektarya ng pampublikong lupa, kabilang ang 100 titulo para sa lupang ninuno ng mga katutubo.”
  • Ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng administrasyong Arroyo ay nagpamahagi ng abereyds na 119,301 ektara taun-taon (2001-2008) na mas maliit kaysa sa ilalim ni Estrada (121,274 ha, 1999-2000), Ramos (296,395 ha, 1993-1998) at Aquino (169,03 ha., 1987-1992). (Walang katumbas na datos para sa lupang naipamahagi ng DENR)
“Muling palalaguin ng teknolohiyang impormasyon at komunikasyon an gating matanda at di-umuusad na ekonomya at paluluksuhin ito papunta sa isang bagong economy.”
  • Ang industriyang Business Process Outsourcing (BPO) ay mabilis na lumaki mula 5,600 empleyado at US$7.2 bilyon sa kita noong 2009. (NEDA) Pero noong 2009 ang sektor ay bumuo lamang ng 1.3% kabuuang empoleyo at karampot na 2% ng gross domestic product (GDP). (komputasyon ng IBON batay sa datos ng NSCB)
  • Ang sektor ng manupaktura ay kumupis sa kasinliit ng laki nito noong dekada 1950 – 21.8% ng GDP (2009). (NSCB) Ang sektor ay lumikha lamang ng 15,370 trabaho taun-taon mula Enero -01 na umabot sa 3 milyon noong Enero-10. Kabaligtaran, pitong-beses nito ang nalikhang dagdag na trabahong kasambahay sa loob ng parehong panahon nang may 107,730 nadagdag taon-tao’t umabot nang 2.1 milyon nitong Enero-10; ang bilang ng kasambahay sa bansa ay mabilis na pumapantay sa bilang ng mga manggagawa sa manupaktura (NSO)
“Kumikilos ang gubyerno upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng manggagawa. Binabantayan ang presyo ng langis.”
  • Ang presyo ng diesel ay tumaas nang 183% sa pagitan ng Enero 2001 (P13.82 kada litro) at Mayo 2010 (P39.05) at ang gasoline naman ay nang 180% (mula P16.56 hanggang P46.21). (pagmomonitor ng IBON)
  • Ang presyo kada litro ng krudong Dubai sa piso ay tumaas nang abereyds na P0.13 kada buwan mula Enero 2001 – subalit ang pump price ng diesel ay tumaas nang abereyds na P.22 kada buwan, na labis kahit kwentahin sa epekto ng batas RVAT mula Nobyembre 2005 (IBON)
“Damihan ang kategoriya ng manggagawang hindi na kailangang magbayad ng buwis.”
  • Sa abereyds, ang bawat Pilipinong 15-taong-gulang pataas ay nagbayad sa gubyerno ng labis na P6,025 sa buwis sa nakaraang apat na taon (2006-2009). Katumbas ito ng karagdagang P363.0 bilyon sa buwis na binayaran ng mga Pilipino sanhi ng pagpataw ng RVAT noong Nobyembre 2005 (DOF) (komputasyon ng IBON)
“Bawasan ang korapsyon sa sangay na ehekutibo… imbestigahan at usigin ang korapsyon sa matataas na antas… bawasan ang korapsyon sa hanay ng mga hinalal na opisyal… walang sinumang nakahihigit sa batas.”
  • Ang kabuuang halaga ng kikbak, nakaw na yaman at mga kabayarang imbwelto sa 16 pangunahing kaso lamang ng korapsyon ay umaabot na sa P20.9 bilyon (US$430 milyon). Ang halaga ay nananatiling substansyal kahit isantabi ang naunsyaming NBN-ZTE at Cyber-Education.

Mga sanggunian: Bureau of Treasury (BTr), Department of Agriculture (DA), Department of Budget and Management (DBM), Department of Education (DepED), Department of Foreign Affairs-Commission on Filipinos Overseas (DFA-CFO), National Statistical Coordination Board (NSCB), National Statistics Office (NSO), National Wages and Productivity Council (NWPC), BusinessWorld (BW) Top 1000 Corporations, Forbes Asia, and Pagbabago! Research Working Group.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: