ibonreads

Ang mga sakit ng isinapribadong halalan

In Filipino, IBON Features on June 1, 2010 at 2:40 pm

Lathalaing IBON | 01 Hunyo 2010 | Kahit sa pinakaabanteng mga bansa, ipinag-aalala ang ‘pribatisasyon ng eleksyon’  bilang mapanganib sa mahalagang demokratikong ehersisyo gaya ng pambansang eleksyon.

Ang panimulang pagkagulat sa bilis ng resulta ng eleksyon ay kasing-bilis ding napalitan ng mga pagdududa sa kredibilidad ng eleksyong Mayo 2010. Patuloy na lumilitaw ang mga alegasyon ng pandaraya sa eleksyon at iba pang iregularidad mahigit tatlong taon pagkatapos isagawa sa Pilipinas ang pinakaunang automated na pambansang eleksyon. Lumitaw ang mga panawagan para sa independyenteng imbestigasyon kahit nakapagsimula na ang pagsisiyasat ng komite ng Kongreso sa karapatan sa pagboto.

Bukod sa Commission on Elections (Comelec), nasa kainitan din ng mata ng publiko ang pribadong kontraktor na Smartmatic-TIM, na napanalunan ang kontrata para sa automation ng eleksyong 2010 noong nakaraang taon sa pinakamababang tawad sa halagang P7.2 bilyon. Subalit habang tumitindi ang pagkukwestyon sa integridad ng teknolohiya ng isina-awtomatikong sistema ng eleksyon na mas nakilala bilang Automated Election System (AES) na hatid ng Smartmatic-TIM para sa eleksyong Mayo 2010, mas kaunting pansin ang naibigay sa kung ano nga ba ang papel na ginampanan ng pribadong kumpanya sa nagdaang eleksyon.

Pinatitingkad nito ang isyu ng “pribatisasyon ng eleksyon”, isang bagay na ipinag-aalala kahit sa mga pinaka-abanteng bansa sa pagsasapanganib nito sa eleksyon bilang mahalagang demokratikong ehersisyo. Habang hindi likas na masama ang paggamit ng pinakabagong teknolohiya upang pabilisin ang proseso ng pagboto at pagbilang, lumilikha ng ilang seryosong problema ang paggamit ng teknolohiya na pag-aari ng pribadong entidad.

Ayon sa Progressive States Network, isang grupong patakaran at pananaliksik sa US, ang pundamental na batayan para sa kalayaan at pagkakapantay sa eleksyon ay nakasalalay sa pampublikong administrasyon nito. “Kung walang kontrol ang gubyerno sa eleksyon at sa pagsusuri ng publiko sa proseso, imposibleng iestablisa ang pagiging lehitimo ng resulta ng eleksyon, ayon sa grupo.

Ihinalimbawa nito ang 18,000 nawawalang boto sa Sarasota, Florida sa paligsahan sa kongreso noong 2006 kung saan ang panalo’y may palugit lamang ng 236 boto. Ipinagkait ng pribadong kumpanyang Election Systems and Software Company na humawak sa eleksyong Sarasota sa publiko ang pag-eksamen sa mga makina at programa na ginamit sa pagboto dahil ito raw ay ‘sikretong pangkalakal’. Itinaguyod ng isang local na korte ang pribadong karapatan ng naturang korporasyon.

Ang kaso sa Sarasota ay isa lamang sa maraming anomalyang elektoral sa US kung saan sangkot ang mga pribadong kumpmanya sa pagsasa-awtomatiko ng eleksyon. Marahil ang pinakabantog sa mga kumpanyang ito ay ang Sequoia Voting Systems, na naimbwelto sa maraming kontrobersya mula sa mahinang sistemang panseguridad, masamang kalidad ng mga balota, at mababang klase ng kagamitan. Noong 2008, gamit ang karapatang pag-aaring intelektwal (intellectual property rights o IPR), nagbanta ang Sequioa na sampahan ng mga kaso ang mga independyenteng eksperto na nagnais suriin ang mga makina nitong pamboto para sa New Jersey.

Nagkataong binili ng Smartmatic ang Sequoia noong 2005 subalit napwersang bitawan ito noong 2006 pagkatapos ng pag-uusisa ng Committee on Foreign Investment sa US (CFIUS), isang grupo ng mga ahensya ng gubyernong US na nagrerepaso sa mga implikasyon ng mga dayuhang pamumuhunan sa pambansang seguridad. Subalit nagmamantine ng koneksyon ang Smartmatic sa Sequoia sa pamamagitan ng pag-aaring IPR nito sa ilang produktong pang-eleksyon ng huli. Isa rin sa mga natalo sa pagkuha ng pangangasiwa ng programa para sa pagsasa-awtomatiko ng eleksyon ang Sequoia.

Kung kaya, ang mga ulat ng naglokong mga makinang Precinct Count Optical Scan (PCOS), ang mga alegasyon ng pre-programming, at iba pang teknikal na anomalya ay hindi kaiba sa kaunaunahang tangka ng bansa sa isina-awtomatikong pambansang eleksyon. May mga naniniwalang maaari pa ring papanagutin ng publiko ang isang pribadong kumpanya. Halimbawa, ang Smartmatic-TIM ay nakatali pa rin sa mga termino at kondisyon na nakasaad sa kontrata nito sa Comelec.

Pampublikong ehersisyo, pribadong interes

Subalit ang pananagutan ng Smartmatic ay hindi pa rin nakalulutas sa pundamental na isyu ng isang pribadong kumpanya na may pribadong interes, na nangangasiwa sa napakapublikong usapin gaya ng eleksyon. Ginagawa nitong mas bulnerable ang eleksyon sa pandaraya at manipulasyon – dagdag pa sa mga tradisyunal na porma ng pandaraya gaya ng pagbili ng boto, flying voters, panghaharas, at iba pa.

Nagiging kaduda-duda ang pribadong teknolohiya sa pagsasa-awtomatiko dahil sa katangian nito bilang pribadong pag-aari na ligtas sa pagsusuri ng publiko. Sa kaso ng Smartmatic-TIM, ang Comelec ay tumanggi na magsagawa ng sagarang repaso sa source code ng independyenteng mga eksperto at ispesyalista sa teknolohiya ng impormasyon (information technology o IT). Makakatulong ang pagrepaso ng source code sa pagtiyak kung wasto nga bang babasahin at matamang bibilangin ng mga kompyuter ng Smartmatic-TIM ang mga balota.

Nagbabalak din ang Smartmatic-TIM na kasuhan ang mga natatalong kandidato sa pagkapresidente – sina Jamby Madrigal, JC Delos Reyes at Nick Perlas – sa diumano’y di-awtorisadong pag-eksamen ng mga makinang PCOS. Ang mga makina, ayon sa Smartmatic-TIM, ay mga pribadong pag-aari. Tinangka nina Madrigal na pag-aralan ang mga makina dahil sa mga suspisyon ng iregularidad matapos madiskubre ang mga makina sa tahanan ng isang teknisyan ng Smartmatic-TIM.

Sanhi ng mga dahilang ito kung bakit ang mga mauunlad na bansa gaya ng Germany at the Netherlands ay nagdalawang-isip na tungkol sa paggamit ng pribatisadong teknolohiya sa pagsasa-awtomatiko ng eleksyon, na lumalabag sa napaka-publikong katangian ng eleksyon.

Ang pagpayag na mamuhunan at lumahok ang isang kumpanya sa krusyal na pampublikong interes gaya ng pambansang eleksyon ay di naiiba sa mga problemang hatid ng pagsasapribado ng mga pampublikong gamit at serbisyong panlipunan gaya halimbawa ng kuryente, tubig at serbisyong kalusugan. Sa Pilipinas at sa mga bansang umuunlad, hindi nagresulta sa mas mahusay na paggampan ng mga pampublikong negosyo ang pribadong kontrol at pangangasiwa. Sa gayunding paraan, hindi pa naghahatid ng bukas at kapani-paniwalang halalan ang pagsasapribado ng eleksyon.

Tumungo sa pagpapariwara ng kapakanan ng mamamayan pabor sa mga proseso at interes na pangnegosyo ang pagtransporma ng mga tungkulin at responsibilidad ng gubyerno sa negosyong para sa tubo. Sa pribatisasyon ng eleksyon, ang mas malala ay nagbibigay pa ito ng oportunidad para sa mga pulitiko na naghahabol ng pusisyon sa gubyerno para sa sariling interes sa pamamagitan ng mga posibleng pakikipagtransaksyon sa pribadong negosyo sa pambansang halalan.

Ang proyekto para sa pagsasa-awtomatiko ng eleksyon, na inasahang mayor na positibong hakbang upang sagkaan ang isa na namang iskandalo tulad ng “Hello Garci”, ay nagsakripisyo ng mahahalagang katangian gaya ng pagiging bukas at pangkalahatang pangangasiwa pabor sa pribadong negosyong namahala sa pambansang eleksyon. Kung mayroong isang leksyon na malinaw na ihinahatid ng karanasan ng bansa sa isina-awtomatikong halalang Mayo 2010, iyon ay na walang madaliang paraan para sa isang kapani-paniwala’t tunay na demokratikong eleksyon. Lathalaing IBON

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: