ibonreads

RP sa ilalim ng bagong gubyerno: may pag-asa ba para sa atrasado nating ekonomya?

In Filipino, IBON Features on May 31, 2010 at 11:40 am

Lathalaing IBON | 29 Mayo 2010 | Mangangahas ba ang papasok na administrasyon na gawin ang mga hakbang para tiyakin ang pagpapamahagi ng lupa at pagpapaunlad ng produksyong agrikultural? Ipapatupad ba ng kahahalal-na-presidente ang mga hakbang pabor sa pagpanday at pagpapalakas ng lokal na industriya?

Labing-isang araw pa lang pagkalipas ng eleksyong Mayo 2010 sa Sitio Buntog, Barangay Canlubang, Calamba, maraming magsasaka ang nasaktan habang isang 71-anyos na babae at apat na menor-de-edad ang dinala sa presinto ng Philippine National Police sa alitan sa lupa sa Hacienda Yulo. Itinutulak ng mga Yulo ang kumbersyon ng mahigit 7,000 tanimang ektarya ng hacienda para sa gamit-kumersyal at residensyal sa kabila ng nakaambang apela ng mga magsasaka laban rito.

Sa Triumph International (Phils.) Inc., na pag-aaring Swiss, 1,660 manggagawa ang tinanggal noong 2009 kasabay ang anunsyong bumagsak ang produksyon at may planong isara ang mga pabrika. Inudyok nito ang mga manggagawa ng Triumph na mag-piket upang pigilan ang paglalabas ng makinarya bago maresolusyonan ang alitan. Nagpapatuloy ang piket, gayundin ang pagsisikap ng mga manggagawa na itaguyod ang isang proyektong pangkabuhayang pagtatahi ng mga damit — sa kabila ng maraming tangka ng kumpanya na palayasin sila.

Ilang halimbawa lang ito ng pangkalahatang larawan: sikil ang mga karapatan ng mga magsasaka at manggagawa habang ang produksyong agrikultural at kakayahan para sa lokal na pagmamanupaktura ay nasasagkaan ng iilang lokal at dayuhang interes.

Ang kahirapan sa Pilipinas, na ayon sa mga kandidato ng nagdaang eleksyon ay papawiin kapag sila ay binoto, ay dahil sa kawalan ng nagsasariling pambansang industriya at ang pananatili ng santagal na ng ilang siglong atrasadong agrikultura na nagsasanhi ng disempleyo at kawalan ng  milyun-milyong Pilipino.

Dambuhalang tungkulin

Sa kabila ng maraming bersyon ng programa para sa reporma sa lupa na inilunsad ng mga nagdaang administrasyon, pito sa sampung Pilipinong magsasaka ang walang lupa, ayon sa grupo ng mga magsasakang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Higit pa, ang kumbersyon ng lupang agrikultural para sa kumersyal na gamit ay pinapayagan pa rin sa ilalim ng extended Comprehensive Agrarian Reform Program (CARPer). Wala pa sa 14 nakatalang kaso ng stock distribution at mga katulad na iskemang gamit sa pag-iwas sa pagbahagi ng lupa sa mga magsasaka ang nareresolba. Halos 75% ng mahihirap sa bansa ay nananatili sa kanayunan — kung saan makapal ang populasyon ng mga pamilyang magsasaka — at kung saan ang kaganapan ng kahirapan ay halos tatlong beses kumpara sa kalunsuran. Dagdag pa, kahit pa isa itong agrikultural na bansa, ang Pilipinas ang pinakamalaking taga-angkat ng bigas ngayon: isa sa bawat limang kutsara ng kanin na isinusubo ng mga Pilipino ay inangkat.

Ang bahagi ng sektor ng agrikultura sa kabuuang gross domestic product (GDP) na bumaba mula 30.5% noong 1959 sa 18.1% nitong nakaraang taon ay nagpapakita ng malubhang kalagayan nito. Kahit lampas pa sa 60 taong nakaraan, ang sektor ng mga magsasaka ay nanatiling mahirap, lumilikha kalakhan para sa mga negosyong lokal at dayuhan at walang kakayahang maging potensyal na base ng lokal na ekonomya.

Palagian ding nasasagkaan ng interes ng mga dayuhang negosyo ang pagpanday ng mga pambansang industriya. Ang 21.8% na bahagi ng sektor sa pagmamanupaktura sa kabuuang GDP noong 2009 ay nasa halos kapantay na antas mahigit 50 taon na ang nakakaraan. Nito ring nagdaang limang taon, mga korporasyong transnasyunal (TNCs) ang umani ng 60-75% ng kabuuang benta sa manupaktura sa Top 1000 Corporations sa bansa.

Tiyak na dambuhalang tungkulin sa pagharap sa mga suliranin ng ekonomya ng Pilipinas sa paglabas ng gubyernong Arroyo ang babalikatin ng susunod na administrasyon. Dapat mabaligtad ang papel ng Pilipinas bilang taga-eksport ng murang hilaw na materyales at murang lakas-paggawa at taga-angkat ng mga prinosesong produkto na mga korporasyon ang pangunahing nakikinabang. Ang hamon ay payabungin ang sektor ng agrikultura upang magamit ito sa paglikha ng mga pangangailangan ng bansa kabilang ang paglikha ng mga trabaho at pagpanday ng mga batayang industriya gaya ng tela, bakal, kemikal, enerhiya at transportasyon pangunahin para sa konsumo ng mamamayan.

“Mapapasa-kanila nang malinaw at libre”

Sadyang sa pagtalakay ng repormang agraryo, ang kasong mababanggit ay yaong sa Hacienda Luisita na bahaging-pag-aari ng lumilitaw na bagong-halal na pangulo.

Mahigit 1,000 magsasaka at manggagawang-bukid ang nawalan ng trabaho o ang araw sa trabaho ay bumaba sa halos isang beses kada linggo dahil sa iskemang stock-distribution option ng Hacienda Luisita. Patuloy na naghahanap ng katarungan hindi lang para sa mga biktima ng masaker noong Nobyembre 2004 sa Hacienda Luisita kundi pati hinggil sa sweldo para sa mga sakada na, sa maraming taon, ay nag-uuwi ng napakababang sahod.

Tungo sa eleksyong 2010, inanunsyo ni Aquino na sa Hunyo 2014, naipapamahagi na ang Hacienda Luisita sa mga magsasaka nang “malinaw at libre”. Nakasaad rin sa kanyang plataporma na ang mga bukid at negosyong pangkanayunan ay mahalaga sa pag-abot sa seguridad sa pagkain at higit na pantay na pang-ekonomyang pag-unlad. Naghihintay ngayon ang publiko kung papaano aabutin ng papasok na administrasyon ang mga ito gayong sang-ayon ang lumilitaw na bagong-halal na pangulo sa mga iskemang joint venture sa agrikultura, at may plano siyang ipagpatuloy ang CARPer na inirereklamo ng mga magsasaka na maka-asendero.

Papaano pamumunuan ni Noynoy ang pag-aayos sa ekonomya?

Bilang Senador, ang nakikitang-magiging-pangulo na si Noynoy Aquino ay bumoto ng ‘hindi’ sa kontrobersyal na Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA). Binigyang-diin niyang karapat-dapat ang mga Pilipino sa higit na mahusay na pinag-usapan at mutwal na kapaki-pakinabang na kasunduan. “Hindi” rin ang boto niya sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA). Aniya, kwestyonable ang gayong pagbenta ng gubyerno ng mga kayamanang mapagkikitaan. Sana ay sundan niya ang mga hakbang na ito na nagtatanggol sa pambansang interes sa kabila ng katahimikan niya sa landas ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon na tinahak ng administrasyong Aquino noong 1986.

Noong panahon ng kampanya para sa eleksyon, sinambit ni Aquino ang pagbibigay-kapangyarihan sa mga tao sa pamamagitan ng mga trabahong mas mahusay at mas mataas ang sweldo upang bawasan ang kagutuman at mapawi ang kahirapan. Ipinangako rin niyang lumikha ng mga kundisyon na mainam para sa paglago at pagiging kompetitibo ng pribadong negosyo–malaki, katamtaman o maliit–at mapanday ang talentong sariling-atin sa pagtatag ng mga lokal na industriya.

Subalit ang pagiging bukas niya sa pagrepaso sa Konstitusyon ng Pilipinas, laluna yaong mga bahagi na naglalaman ng restriksyon sa dayuhang pamumuhunan at dayuhang pag-aari ng lupa, ay hindi pa nagpapakita ng malinaw na pagkiling pangunahin sa kapakanan ng mamamayan na kailangang-kailangan ng bansa ngayon. Kabaligtaran ito ng pananaw niya sa pagtatag ng pamumuno na magpapatupad ng lahat ng batas ng bansa nang may buong pagpapasya at walang kinikilingan.

Ang pagmumuning buksan ang ekonomya sa dayuhang pag-aari lampas pa sa kasalukuyang antas ay lalong magsasapanganib sa buong posibilidad ng nagsasariling pagpanday ng mga pambansang industriya. Mahalaga para sa papasok na administrasyon na tiyakin muna na tatahakin nito ang soberanyang landas sa muling pagpapabangon sa ekonomya at patunayan ang iprinoklama nitong determinasyon na uunahin ang Pilipino sa lahat ng panahon. – Lathalaing IBON

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: