ibonreads

Unang 100 araw: lampas sa kontra-korapsyon, mga tunay na hakbang tungo sa reporma

In Filipino, IBON Features on May 30, 2010 at 10:32 am

Lampas sa kampanyang kontra-korapsyon o ‘matagumpay’ na eleksyon at mapayapang transisyon mula sa administrasyong Arroyo, ang tunay na pagsubok sa demokrasya sa bansa ay nakasalalay sa pagkilala sa mga tunay na problema at tamang kulumpon ng mga pamamaraan para bigyang-solusyon ang mga ito.

Ni Sonny Africa

Lathalaing IBON – May panahon ng optimismo sa bansa dahil sa relatibong ‘kapani-paniwalang’ resulta ng eleksyon, isang papasok na ‘lehitimong’ gubyerno, at isang diumano’y kontra-korapsyong administrasyong Aquino. Maaaring manatili ang pag-asa nang ilang panahon maliban kapag lumobo nang husto ang mga ulat tungkol sa mga iregularidad ng automated na eleksyon at ng mga tradisyunal na maniobrang pulitikal.

Subalit ang anumang posibilidad ng pagbabago ay nakasalalay sa pagkilala sa mga tunay na problema at sa tamang mga pamamaraang ginagamit para malutas o maharap ang mga ito. Higit sa kampanyang ‘kontra-korapsyon’ o ‘matagumpay’ na eleksyon at mapayapang transisyon mula sa administrasyong Arroyo, ito ang mga tunay na susubok sa demokrasyang pampulitika at pang-ekonomya sa bansa.

Ang papasok na administrasyon ay nahaharap sa napakatagal nang mga hamon na nagpanatiling dukha at paatras ng Pilipinas. Pinalala pa ang mga ito ng walang-patid na kawalang-estabilidad sa pandaigdigang ekonomya na dulot ng pandaigdigang krisis sa ekonomya na patuloy pang nagkakahugis.

Kung ang populistang linyang “Kung walang korap, walang mahirap” ay ginamit bilang balangkas ng pag-abot ng tunay na reporma sa bansa, nagkukulang ito. Ang kampanya laban sa korapsyon ay isang maliit na bahagi lamang ng komprehensibo at konkretong plataporma ng kinakailangang panggugubyerno na mapagpasyang kumakalas sa mga bigong pamamaraan ng nakaraan.

Napakarami ng at iba’t iba ang mga problema ng bansa kayat ginagawa nitong mapanganib ang paulit-ulit na retorikang kontra-korapsyon – na para bang ito ang pangunahing dahilan ng mga problema ng bansa.

Labis na pagbibigay-diin sa korapsyon?

Di maikakailang mapanghimasok, napakatagal at umabot na sa pinakamatataas na antas ng gubyerno ang korapsyon. Totoo rin na sinasaid nito ang pampublikong rekurso at sa maraming paraan ay sumisira sa mainam na pangangasiwa sa ekonomya at binabansot ang produktibong aktibidad. Pero nang hindi minamaliit ang pangwawasak na sanhi ng korapsyon, mahalagang Makita ang mas malalim at mas malaking pangwawasak dulot ng mga patakaran ng ‘malayang pamilihan’ ng globalisasyon.

Sa kabila ng mga reklamo tungkol sa korapsyon at kahit sa ‘mabuway na pulitika’, patuloy pa ring matagumpay na ipinatupad ang mga patakaran ng globalisasyon nitong mga nakaraang dekada: pagtanggal ng kontrol sa kalakal at pamumuhunan, pribatisasyon ng mga pampublikong kagamitan at serbisyong panlipunan, deregulasyon ng ekonomya, at patuloy na pagbabayad-utang. Sabay-sabay nitong pinaguho ang local na manupaktura at agrikultura, nagsanhi ng walang-kapantay na disempleyo at papatinding kahirapan, at nagpwersa sa milyun-milyong Pilipino na mangibang-bansa.

Sadyang ang korapsyon ay ginagamit bilang pantabing upang itago ang kabiguan ng mga patakarang globalisasyon. Mula noong 1990s nang ang ebidensya ng pagkabigo ng mga repormang neoliberal ay nagsimulang magpatung-patong at ang pagiging lehitimo ng International Monetary Fund at World Bank ay kinukwestyon, inimbento at binenta ng mga neoliberal na tagasulong ang ideyang Post-Washington Consensus – na ang masamang panggugubyerno, at hindi ang mga patakarang ‘malayang pamilihan’, ang dapat sisihin sa tumitinding kahirapan at krisis sa mga atrasadong bansa na nagpatupad ng mga repormang neoliberal.

Ang pagbagsak ng ekonomya ay isinisisi sa korapsyon imbes sa kung papaano tinanggal ng mga patakaran ng ‘malayang pamilihan’ ang suporta ng gubyerno para sa mga local na manininda at hilaw silang isinabak sa dayuhang kompetisyon. Ang lumalalang serbisyong kalusugang pampubliko at edukasyon ay isinisisi sa korapsyon imbes na sa pribatisasyon sa gitna ng di-maawat-awat na pagbabayad-utang. Ang malamyang panggugubyerno ay isinisisi sa korapsyon imbes na sa di-demokratikong paghahari ng iilan sa mga prosesong pulitikal at sa paglikha ng mga patakarang pang-ekonomya. Naging madulas na palusot ang korapsyon upang pagtakpan ang mga seryosong sakit ng paglikha ng mga patakarang neoliberal.

Ang lumalalang disempleyo na sanhi ng globalisasyon ay nangangahulugan ng daan-daang-bilyong piso ng nalustay na potensyal na produkto kada taon dahil sa di-nagamit na lakas-bisig, bukod pa sa pagdurusa ng tao sanhi ng kawalang-trabaho. Nangangahulugan ang pribatisasyon at mga hakbang sa pagtitipid ng sandaang-bilyong-pisong bawas sa taunang paggastos sa kalusugan, edukasyon at pabahay. Samantala sa walang-tigil na pagbabayad-utang ang interes at bayad-prinsipal ay tuluy-tuloy na umaabot nang isang trilyong piso kada taon. Ang halagang nakaltas sa pampublikong pondo ng mga korap na upisyal ay di matatawaran – may ilang pagtantsa na umaabot ito sa US$2 bilyon kada taon – pero maliit pa rin ito kumpara sa mga panlipunang kawalan dahil sa globalisasyon.

Mahalaga rin ng papel ng mga patakarang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon sa aktwal na pag-ambag sa malawakan at sistemikong korapsyon sa bansa. Ang pagsirit ng dayuhang kapital at produktong tulak ng ‘malayang pamilihan’ sa bansa ay lumikha ng maraming oportunidad para sa mga kumisyon, panunuhol at pamimirata ng mga pulitiko at burukrata habang ang mga mahahalagang mekanismo ng pampublikong kontrol, pag-usisa at pagbubukas ay inalis na o ginawang inutil.

Lumilihis sa mga batayang reporma na kailangan ng bansa ang sobrang pagbibigay-diin sa korapsyon bilang ugat ng panlipunan at pang-ekonomyang pagka-atrasado. Ikinukubli rin nito ang patuloy na pagpapatupad ng mga patakaran na di kinakailangan ng bansa. Kaiga-igaya ang pagiging bukas at may pananagutan sa paglikha at pagsasakatuparan ng mga patakaran – subalit ang kawalan ng mga makabuluhang patakaran para sa pambansang pag-unlad – at ang pamamayagpag ng mga nakikinabang sa mga makikitid na interes na iilan – ay may mas malalalang mapanirang epekto sa kapakanan ng mamamayan.

Ang problema

Ang pinakamasaklaw na mithiing pangkaunlaran ay ang mapabuti ang pang-ekonomya at pampulitikang kagalingan ng karamihan sa mga Pilipino. Ang pangunahing hamong pang-ekonomya ay harapin ang mga kabaluktutan sa ekonomya na nagkait sa mga nagtatrabahong Pilipino ng bung-buong pakinabang mula sa kanilang pinaghirapan at sa mga natural na yaman ng bansa, at sumagka sa pang-ekonomyang potensyal ng bansa.

Matagal na panahon nang ang istilo ay sumandig sa paglikha ng kapaligirang bukas sa globalisadong patakarang pang-ekonomya na siyang gusto ng mga dayuhan at local na mamumuhunan. Habang sila ay maliit na bahagi lamang ng populasyong aktibo sa larangan ng ekonomya, may mga naniniwalang ang tagumpay ng kanilang mga negosyo ay lilikha ng mga trabaho, magpapataas ng mga kita at susuporta sa pang-ekonomyang pag-unlad.

Tunay na nagkaroon ng paglagong pang-ekonomya, pagtaas na pangnegosyong tubo at paglago ng kayamanang personal ng iilan. Subalit sa buong saklaw ng ekonomya, ang tunay na disempleyo ay nasa walang-kapantay na mag-iisang-dekadang katindihan na nagpwersa sa may siyam na milyong mamamayan na mangibang-bansa upang maghanap ng trabaho. May 66 milyong Pilipino ang mahirap at nagtatangkang mabuhay sa P86 o malayong mas kaunti pa kada araw – habang kalahati ng populasyon ang nagkukumasya sa P18-54 lamang kada araw.

Ang hinaharap ng ekonomya ay lalong pinadidilim ng mg aproblema sa mga sector na inaasahang lilikha ng trabaho at dinamismo: ang local na manupaktura ay kumupis na sa kasinliit ng bahagi nito sa ekonomya noong 1950s habang ang agrikultura ay nasa pinakamaliit nitong ambag sa kasaysayan ng bansa. Ang maliliit at panggitnang mga prodyuser sa buong bansa ay tinamaan na ng alon ng pagkabangkarote.

Malinaw na nabigo na ang istilo ng pag-asa sa manipis na seksyon ng interes ng malalaking pribadong sector. Imbes, ang prayoridad ng patakaran ay dapat mapunta sa pagbibigay sa ibayong mas malawak na bilang ng mamamayang Pilipino na nagtatrabaho ng mas malaking bahagi ng mga produkto ng kanilang mga tinrabaho. Dapat din, mas kaya nila – gayundin ng anumang tunay at local  na maliit o panggitnang negosyo – na maabot ang lupa, puhunan at suporta ng gubyerno. Ang sobrang pagsandig sa mga eksternal na pagmumulan ng paglago tulad ng mga eksport at remitans ay bigo rin. Kailangang ang pokus ay sa paglikha ng local na pundasyong pang-ekonomya upang magtamo ng netong benepisyo mula sa internasyunal na pangangalakal at pamumuhunan.

Ang kagyat na hamong pampulitika naman ay ang mahinto na ang pinakamasasamang kontra-demokratiko at kontra-nasyunalistang tunguhin ng gubyerno ng Pilipinas. Kontrobersyal na ginamit ng administrasyong Arroyo at mga alyado nito ang mga kapangyarihan ng gubyerno para sa malawakang pandarayang electoral at upang makatabo ng di-bilang na puu-puong-bilyong piso bilang kickback, kabayaran at nakaw na yaman. Umani ng pandaigdigang pagkundena ang brutal at sistematikong paggamit sa military, pulis at korte sa pagtugis sa mga grupong Kaliwa at progresibo. Higit kailanman, lalong nadawit ang Pilipinas – isa sa pinakamalaking bansa sa mundo (pang-13 sa populasyon) – sa geopolitical na adyenda ng Estados Unidos (US) kabilang na ang pagiging mas bukas sa higit pang interbensyong militar.

Ang ibayong pagkasira sa mga pulitikal na institusyon ng bansa ay kinakailangang maayos. Ang mahabang proseso para rito ay makapagsisimula lamang unang-una kung mayroong pagpapanagot para sa mataas na antas ng korapsyon gayundin sa malawakang paglabag sa mga karapatang-tao sa proseso ng programang kontra-insurhensya ng gubyernong Oplan Bantay Laya (OBL) I at II. Ang kawalang-kaparusahan ay matatapos lamang kung, bukod sa retorika, ay may tunay na pagpapanagot.

Ang kumisyon ang imbestigahan si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na inianunsyo ng nangunguna sa paligsahan sa pagkapangulo na si Aquino habang nangangampanya ay maituturing na umpisa kahit na may mga pangamba na mamaniobrahan ito ng mga alyado ni Arroyo sa upisina ng Ombudsman at sa Korte Suprema. Subalit mahalaga ring masunggaban ang mga internasyunal na grupong hudisyal gaya ng International Criminal Court (ICC) na itinatag ng United Nations (UN) upang litisin ang mga krimen sa digma gayong ang mga local na korte ay nag-aatubili o walang kakayahang gawin ito.

Nasagkaan ng patakarang panlabas na kiling sa mga dayuhang kapangyarihan, laluna sa US, ang demokratikong panggugubyerno sa pinakamahusay na interes ng mamamayan. Ito’y kabaligtaran ng pagtangging makipagharap sa mga armadong grupo sa bansa sa isang prinsipyadong paraan. Makakabuti nang husto para sa pampulitikang kundisyon para sa lokal na pag-unlad ang kagyat na paggiit ng pambansang soberanya sa US gayundin ang paggamit sa mga usapang pangkapayapaan upang tanganin ang mga makabuluhang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang reporma na humaharap sa mga ugat ng armadong tunggalian.

Mga inisyal na solusyon

Ang bagong administrasyon ay ipoproklama pa subalit nasa pinakamahusay na interes ng mamamayan ang lumikha at maggiit, sa lalong madaling panahon, ng mga kongkretong hakbang tungo sa tunay na pagbabago, pag-unlad, pagtiwasay at pagsasarili. Ang ‘repormistang’ reputasyon ng administrasyong Aquino ay nakasalalay sa kung gaano kalayo nito kakayaning baligtarin ang mga bigong patakaran ng mga nakaraang administrasyon kabilang ng papaalis na administrasyong Arroyo.

May mga resultang patakarang kagyat na maaabot o maaari nang umpisahan sa unang 100 na araw ng bagong administrasyon na maaaaring maging unang mga hakbang tungo sa tunay na reporma sa bansa:

  1. Baguhin ang VAT Reform Law (RA 9377).
  2. Baguhin ang awtomatikong paglalaan para sa bayad-utang sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Section 31 ng PD 1177 na nagtutulak nito, at gayundin sa pag-amyenda ng Section 26, Chapter 4, Book VI ng EO 292 (Administrative Code of 1987) na nag-uulit sa mismong nilalaman ng Section 31 ng PD 1177.
  3. Tiyakin ang badyet ng di bababa sa P281 bilyon para sa edukasyon, P39 bilyon para sa kalusugan at P13 bilyon para sa pabahay sa 2011 pambansang badyet ng gubyerno upang ibalik ang panlipunang serbisyo sa kani-kanilang pinakahuling taunang rurok ng paggastos sa edukasyon kada batang nag-aaral (1998), paggastos sa kalusugan kada tao (1997), at paggastos sa pabahay kada tao (2000).
  4. Isuspinde at repasuhin ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) at ang kasalukuyang negosasyon sa European Union (EU) sa Partnership Cooperation Agreement (PCA).
  5. Tipunin ang may iba’t ibang interes na pagrerepaso sa estratehiya ng pakikipagnegosasyon ng gubyerno at ng mga kasunduang inaprubahan sa mga usapan bilang bahagi ng ASEAN (hal., Japan, China, Korea, Australia-New Zealand, India, EU, US at ang ASEAN Trade in Goods Agreement).
  6. Tipunin ang may iba’t ibang interes na pagrerepaso upang kilalanin ang mga local na produkto na maaaring bigyan ng dagdag na proteksyong taripa, sa umpisa hanggang sa simpleng abereyds na bound tariff na pinapayagan ngayon sa ilalim ng patakaran ng WTO na 25.8% (mula sa simpleng abereyds ng ginagamit na taripa na 7.1% lamang).
  7. Kanselahin ang iskemang stock distribution option (SDO) sa Hacienda Luisita at ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka
  8. Ipatupad ang kagyat na across-the-board pambansang pagtaas sa sahod na P125.
  9. Imbestigahan at papanagutin ang kahahalal-na-Kongresistang si Gloria Macapagal-Arroyo para sa pandaraya sa eleksyon at sari-saring iskandalong korupsyon sa ilalim ng kanyang administrasyon na kinasangkutan niya, ng kanyang pamilya at mga alyado.

10.Ihapag ang 1998 Rome Treaty of the International Criminal Court (ICC) sa Senado ng Pilipinas para sa ratipikasyon.

11.Isuspinde at repasuhin ang Visiting Forces Agreement (VFA) kasama ang US at, samantala, paalisin ang lahat ng tropang militar ng US sa bansa at itigil ang lahat ng nagaganap o planadong operasyon, treyning, ehersisyo, proyekto at iba pang aktibidad na kinasasangkutan ng mga pwersang US.

12.Kagyat na pagpanumbalik sa pormal na usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippins (NDFP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ito ang mga  kinakailangang pansimulang susing elemento tungo sa progresibong pagbubuwis, makatuwirang pagbabayad-utang, higit na responsibilidad ng gubyerno sa mahahalagang serbisyong panlipunan, tunay na repormang agraryo, pagwaksi sa walang-saysay na patakaran ng globalisasyon, pag-aayos sa paninira sa mga pampulitikang institusyon ng bansa, pagbigay-tulak sa proseso ng demokratisasyon, at pagharap sa mga ugat ng armadong tunggalian sa kahirapan at kawalan ng pag-unlad.

Anumang bagong administrasyon na naglalayong maging ‘repormista’ ay kailangang bumuno sa mahahalagang realidad: industriya at agrikulturang lubos na pinahina; naipong mga batas at patakarang pang-ekonomya; isang matigas na burukrasyang kinumplika pa ng mga presyur ng pulitikal na pagbabayad-utang pagkalipas ng eleksyon; at makasariling magkakalubid na pampulitika at pangnegosyong interes (kahit sa sarili nitong hanay). Patuloy na umuunlad ang mga demokratikong prosesonglokal at naghahari pa rin ang iilang makapangyarihan. Sa particular ang administrasyong Aquino ay nahaharap sa kontra-maniobra ng mga kampong Arroyo, Estrada at Villar na may kani-kanyang base sa Senado, Kongreso at mga local na gubyerno.

Sa gitna ng mga pagsubok na ito, lalong nagiging mahalaga ang kagyat na pagpapakita ng malakas na hudyat ng tunay na reporma at mag-establisa ng makabuluhang momentum sa hanay ng mga tunay n a pwersa ng pagbabago sa bansa. Sa kasalukuyang kundisyon ang pinakamahalagang estratehiya sa pag-abot ng inisyal na mga resultang patakarang ito ay ang pagsandig sa lakas ng mga progresibong pwersa sa loob at labas ng gubyerno – sila ang tunay na pinagmumulan ng tulak para sa pagpapatupad at ang pangunahing pwersa na susuporta sa mga unang hakbang na ito tungo sa reporma. – Lathalaing IBON.

Si Mr. Sonny Africa ay ang research head ng IBON Foundation, isang nagsasariling institusyon sa pag-unlad na itinatag noong 1978. Nagsasagawa ito ng pananaliksik, edukasyon, mga publikasyon, gawaing impormasyon at suportang pantaguyod tungkol sa mga isyung sosyo-ekonomiko.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: