ibonreads

Mga dayuhang kasunduan sa lupa: pandaigdigang pangangamkam ng lupa?

In Filipino, IBON Features on June 23, 2011 at 5:12 am

Ang mga land deal na ito ay labag sa batas at may pangmatagalang grabeng implikasyon sa seguridad sa pagkain, pagmamay-ari ng lupa at pambansang soberanya ng isang bansa.

Lathalaing IBON – Nagiging pangkaraniwan na ang mga tinatawag na ‘foreign land deals’ (mga dayuhang kasunduan sa lupa) sa maraming bansa sa buong mundo, na sumasaklaw sa milyong ektarya ng lupain. Dahil sa lawak at tantos, idagdag pa ang mga institusyong sangkot sa mga transaksyon, naging kontrobersyal ang mga kasunduang ito.

Matindi ang mga implikasyon ng foreign land deals, laluna sa karapatan ng mga magsasaka, seguridad sa pagkain at pambansang soberanya.

Malawakang pandarambong ng mga lupain

Pumapatungkol ang foreign land deals sa mga pagbili o pangmatagalang pag-upa ng malalaking tipak ng produktibong lupa sa mga mahihirap na bansa kung saan kailangan ng mayayamang bansa o mga kumpanya nila ang rekurso sa paglikha ng produktong pagkain, pampatuka o biofuels para sa kantidad na komersyal o pang-eksport. Tinagurian nang “land grabs” ang mga ito dahil sa karaniwang di-pantay na turingan sa transaksyon.

Habang ang karamihan sa mga kasunduang ito ay dumadaan sa mga pamamaraan ng ligal na gubyerno, kadalasan namang nagkukulang sa pagkonsulta sa mga apektadong komunidad ng mga magsasaka at pambansang minorya. Nag-umpisa pa noong 2006, ang maramihang pagbili ng lupain ay sinasabing hindi lang dahil sa pagmamadali ng mga “food insecure” na bansa na tiyakin ang suplay ng pagkain o sa tumataas na demand para sa alternatibang mapagkukunan ng enerhiya gaya ng biofuel. Naganap din ito dahil din diumano sa mga oportunidad sa palengke mula sa ispekulasyon sa halaga ng lupa.

Sa harap ng tumitinding pandaigdigang krisis, ang palengke ng lupa ay naging kaakit-akit dahil naghahapag ito ng bagong larangan ng ispekulasyon sa presyo ng lupa.

Ayon sa Oxfam, mayroong 120 hedge funds, retirement funds, mga kumpanya sa agribisnes at private equity funds na namumuhunan sa mga lupaing agrikultural sa mga mahihirap na bansa. Ipinapakita nitong ang pag-uunahan sa pagbili ng lupa ay bahagya lamang naipapaliwanag ng demand sa pagkain at enerhiya, at lumilinaw na ang pamumuhunan sa mga ‘soft commodity’ gaya ng lupa ay tungkol sa pagkamal ng tubo.

Sino ang mga sangkot?

Ayon sa non-government organization na GRAIN, ang Pilipinas ay kabilang sa nangungunang target na bansa para sa land deals, kasama ng Sudan, Pakistan, Ethiopia, Tanzania, at iba pa. Ito’y sa kabila ng mga probisyon sa Konstitusyon ng Pilipinas na nagbabawal sa mga dayuhan na magmay-ari ng lupa sa bansa.

Unang napansin ang pandaigdigang pangangamkam ng lupa sa pagkakasangkot ng China at mga bansa sa tinaguriang Middle East. Ang mga bansang tinatawag na ‘food insecure’ ay nagtangkang isagawa sa labas ng kanilang bansa ang produksyon ng pagkain sa pamamagitan ng pag-ari ng lupa sa ibang bansa. Mula 2008, ang China, Saudi Arabia, Egypt, Bahrain, mga bansa sa Gulf, Jordan, Kuwait, Libya, Qatar, UAE, India, Malaysia, Japan at South Korea ay nagsibili ng lupain sa Africa, South at Southeast Asia, South America at Central Asia.

Subalit bukod sa mga bansang ‘food insecure’, isa pang grupo ng mga mangangamkam ng lupa: mga dambuhalang bahay-pamumuhunan, private equity funds, fund managers at malalaking kumpanyang agribisnes.

Nakakapangamkam ang mga ito sa pamamagitan ng mga lokal na pribadong partner, mga gubyerno ng bansang kinaroroonan ng lupa, o sa pamamagitan ng kanilang sariling gubyernong naghahanap ng joint venture sa target na bansa.

Isang halimbawa ng nakakubling grupong ay ang kumpanyang Hapon na Mitsui, na bumili ng 100,000 ektarya ng lupa sa Brazil para sa produksyon ng soybean. Ang pangangamkam ng lupang ito ay sa anyo ng pamimili ng lupang agrikultural na sangkot din ang iba pang kumpanya sa kalakalan at pagpoproseso ng mga Hapon at Arabo. Ang pangatlong grupo ng mga landgrabbers ay ang mismong gubyerno sa bansang kinaroroonan ng lupain. Binabago nila ang mga pambansang batas, patakaran, pati ang mga kalakaran hinggil sa pag-aari ng lupain – upang pagbigyan ang dayuhang investor. Halimbawa, ang gubyerno ng Sudan na may-ari din ng kalakhan sa lupain ng bansa, ay nagpaupa ng kanilang lupa sa napakamurang halaga. Samantala nag-introdyus din ng karapatan sa pag-upa o pagkalakal sa mga magsasaka ang gubyernong Tsino. Haharap naman sa World Bank ang ibang bansa na nagdadalawang-isip na magbukas at magpahintulot sa dayuhang kontrol sa lupa.

Noong 2009, ang mga pautang, grant, equity investments, at garantiya ng World Bank ay tumaas nang rekord na 54% mula sa nakaraang taon, at karamihan sa mga pagtaas na ito ay maituturo sa pamamagitan sa mga foreign land deal. Ang Pilipinas Pagkalipas ng ilang siglo ng kolonyal na pangangamkam ng lupa, at ilang dekada ng mga bigong programa ng reporma sa lupa at globalisasyon, ang bansa ay nakakundisyon para sa bagong usong foreign land grabbing. Sa pamamagitan ng Philippine Agribusiness Development Cooperation Center (PADCC), na nilikha noong 2007, mayroong land bank ng mga nakatiwangwang na lupa na maaaring ikonsidera para sa mga kasunduang agribisnes. Pinangasiwaan nito ang US$300-milyong halaga ng puhunan mula sa NEH ng Bahrain at lokal na grupong AMA para maitayo ang isang banana export project sa Davao del Norte.

Gayundin, matatandaang pumasok ang dating administrasyong Macapagal-Arroyo sa 18 kasunduan sa China na nagpahintulot sa mga kumpanyang Chinese na gumamit ng 1.24 milyong ektarya ng lupaing Pilipino. Nakansela na ang mga kasunduang ito matapos na maging kontrobersyal kasabay ng NBN-ZTE deal. Naghihintay rin ang gubyerno ng Pilipinas ng mga follow-up na pagbisita mula Saudi Arabia upang ipinal ang US$238.6 milyon na bagong puhunan para sa mga plantasyon ng cash crops tulad ng saging, mangga at pinya, pati ng pagproseso ng pagkaing aquaculture at halal. Kasalukuyang nasa negosasyon ang dalawang gubyerno hinggil sa 50 taong pagpapaunpa ng lupa at posibilidad ng produksyon ng pagkain sa Mindanao at iba pang bahagi ng Pilipinas.

Samantala, kontrolado na ng China ang mahigit dalawang milyong ektarya ng dayuhang lupang agrikultural sa labas ng kanilang teritoryo kabilang na sa bansang Pilipinas, Brazil, Kazakhstan, at Laos.

Mayroon ding plano ang Republic of Korea na mamuhunan sa mga plantasyon ng mais sa Pilipinas at mangangailangan ng malawak na eryang agrikultural. Samantala, naglaan na ang gubyerno ng Pilipinas ng anim na milyong ektarya ng ‘nakatiwangwang na lupa’ para sa produksyon ng tubo, niyog, kamoteng-kahoy, jathropa, palm oil at iba pa. Naglaan na rin ito ng dalawang milyong ektarya para sa pagpapaunlad ng agribisnes. Mas malaki pa ang mga itokaysa mga kasalukuyang taniman ng cereals sa bansa. Mga pangako ng pakinabang Isa sa mga pangakong pakinabang ng puhunan sa lupang bukid ay abot-kayang pagkain para sa lahat. Subalit ang mga land deals ay nangyayari sa dalawang di-magkaugnay na palengke – sa products market at land market, kung saan ang palengke ng lupa ay gumagana batay sa sobrang ispekulasyon.

Dahil dito, ang presyo ng pagkain ay patuloy na maaapektuhan hindi ng supply-demand at ratio sa produksyon kundi sa halip ay sa dami ng inilagak na kapital sa commodity exchange. Katunayan sa kalakhan, ang pagsirit sa presyo ng bigas noong 2008 ay iniluwal ng mga aktibidad ng mga financial investors sa commodity exchange market. Gayundin, hindi naman magtitiyak ng estableng presyo ng pagkain ang pagpapahintulot sa mga dayuhan na magmay-ari ng lupa para sa produksyon ng pagkain. Ito ay dahil ang produkto ay ibabalik din sa mga pinanggalingang bansa sa namamayaning presyo sa global market.

Lubos na makikinabang rito ang mga kumpanyang agribisnes at kanilang mga gubyerno sa pamamagitan ng mas mataas na tubo mula sa paggamit ng murang lupa at paggawa at muling pagtinda ng produkto sa presyong tulak ng ispekulasyon. Masahol pa, ang pagsasantabi at dislokasyon ng mga komunidad ng mga magsasaka at pambansang minorya mula sa kanilang lupa ay lalong magpapahina sa kanilang kakayahang bumili ng pagkain.

Sa bandang huli, dahil sa foreign land deals ang mga komunidad ay kagyat na inaalisan ng kanilang karapatang makonsulta at makibahagi sa mga programa sa pamamahagi ng pagkain. Lalo naming mawawalan ng pagkakataon ang mga bansa na bumuo ng makapag-istak, magpatupad ng sentralisadong pagbili at magpaunlad ng lokal na kapasidad at pamilihan. Mawawasak ang maliitan at backyard farming sa pagpasok ng mga dambuhalang korporasyon at pagkontrol ng negosyo sa produksyong agrikultural at pagkain. Manganganib ang maliliit na taniman, gayundin ang pambansang kakayahang magprodyus ng sariling pagkaindahil sa mga foreign land deal na magpapahintulot sa mga dayuhang korporasyon at mamumuhunan na magprodyus ng pagkain habang ang lokal na pamilihan ay nakaasa sa mga imported na pagkain.Kayat sa esensya, isinusuko ng mga bansa ang kanilang karapatang magsarili at produksyon para sa sariling pagkain gayundin ang kanilang demokrasya sa ekonomya na magtakda ng likas-kayang gamit ng kanilang mga binhi, genetic resources, mapagkukunan ng tubig, livestock at iba pang likas na yaman.

Panghuli, mananagot ang mga gubyernong nakikipagsabwatan sa mga landgrabbers hindi lang sa pagtatakip sa mga foreign land deals at paglabag sa karapatan ng mga komunidad, kundi sa pagsuko ng soberanya ng bansa tungo sa pagkakamit ng ng katiyakan sa pagkain at pambansang kaunlaran. – Lathalaing IBON

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: